PatrolPH

'Bikoy video webmaster di na aktibo sa mga grupong pro-Otso, Magdalo'

ABS-CBN News

Posted at May 08 2019 09:24 PM

Watch more on iWantTFC

Lumantad ang isa sa mga tagasuporta ng Otso Diretso at Magdalo Group na ka-chat ni Rodel Jayme para igiit na matagal nang hindi aktibo sa kanilang grupo si Jayme.

Si Jayme ang itinuturong gumawa ng website na nag-share ng "Totoong Narco-list" videos na nagtatampok kay alyas "Bikoy" at nagdadawit sa ilang miyembro ng pamilya Duterte sa pangangalakal ng ilegal na droga.

Sa pagharap sa ABS-CBN News ni Myra Devilla, vice president for operations ng Democratic Alliance Movement Incorporated (Dampi), ibinunyag niyang isa siya sa mga ka-chat ni Jayme bilang tagasuporta ng Otso Diretso at Magdalo.

Pero ayon sa kaniya, 3 taon nang wala sa hanay nila si Jayme dahil sa isyu sa pera.

"I didn't hear from this guy for so long because he left the 'Dilawan' community," ani Devilla.

"This was when I was already talking to the authorities na ipapa-entrap ko siya. Nawala na siya, totally, nagtago siya," dagdag niya.

Pero nitong Abril, humingi raw ng tulong si Jayme sa kanilang private chat dahil nanganganib umano ang buhay niya.

"Ang sinasabi niya, mayroong riding-in-tandem na umaaligid sa harapan ng bahay ni Rodel Jayme and may mga tinted cars na paikot-ikot lang doon na sinusubaybayan siya," ani Devilla.

Nagduda raw sila sa intensiyon ni Jayme.

Ayaw naman daw sundin ni Jayme ang lahat ng mungkahi nila para malayo siya sa panganib tulad ng paglapit sa pari at pagkakaroon ng abogado.

Pero humihingi umano si Jayme ng pera kaya hinala ni Devilla ay gustong ipakita ni Jayme ang money trail o may koneksiyon sila sa grupong Dampi na sumusuporta sa proyekto ni Vice President Leni Robredo sa mahihirap at ngayon, sa kampanya ng Otso Diretso. 

"Noong ayaw na niya sa lahat ng options, sabi ko, 'What do you want from us?' sabi niya, 'Gusto ko magtago ng isang buwan. Kailangan ko lang ng assistance sa money,''" ani Devilla.

Ayon naman kay Jayme, nadawit lang siya matapos pakiusapan na itayo ang website, at si Devilla at Maru Nguyen ang nagsabi sa kaniya na magtago.

Si Devilla at Nguyen din daw ang nag-alok na tulungan siya ng Magdalo Group.

"Hindi ako pumayag kasi nga hindi ko alam if Magdalo ba talaga ang kukuha sa akin," ani Jayme.

"Ang sinasabi ko, kung gusto niyo talaga [tumulong], pera na lang, ako nang bahala," dagdag ni Jayme.

Kasama si Devilla ngayon sa iniimbestigahan ng National Bureau of Investigation kaugnay sa kaso ni Jayme.

Itinanggi ni Jayme ang nilalaman ng panibagong matrix ng Palasyo na kausap niya ang ilang miyembro ng oposisyon. --Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.