PatrolPH

1 patay, 4 sugatan sa salpukan ng pickup, trak sa Negros Occidental

ABS-CBN News

Posted at May 08 2019 03:42 AM

1 patay, 4 sugatan sa salpukan ng pickup, trak sa Negros Occidental 1
Martian Muyco, ABS-CBN News

NEGROS OCCIDENTAL - Isa ang patay habang 4 ang sugatan sa salpukan ng pickup at trak sa Silay City, Negros Occidental Martes ng hapon.

Nasawi si Edgardo Paborito habang sugatan ang misis na si Crisanta. Nagbabakasyon sa Negros ang mag-asawa at uuwi na sana sa Maynila sa Sabado.

Sugatan din ang kanilang kasamahan na si Josefina Reyes at mag-asawang Dante Aloquina at Ma. Teresa.

Ayon kay Police Maj. Rollie Pondevilla, nag-overtake ang trak sa sinusundang motorsiklo kaya sumalpok sa pickup sa Barangay E. Lopez.

Bibili lang sana ng cake ang mga biktima para sa birthday ng anak ng mag-asawang Aloquina nang mangyari ang insidente.

Depensa ng drayber ng trak na si Wilson Altamera, hindi niya napansin na may kasalubong siyang pickup.

Posibleng mahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide, physical injuries, and damage to property si Altamera. - Ulat ni Martian Muyco, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.