PatrolPH

Suspek sa droga, patay matapos 'manlaban' sa South Cotabato

Francis Canlas, ABS-CBN News

Posted at May 08 2018 11:19 PM

Patay ang isang hinihinalang drug pusher matapos umanong manlaban sa buy bust operation ng pulisya sa bayan ng Polomolok, South Cotabato nitong Martes.

Kinilala ang suspek na si Allan Suvillaga.

Ayon kay Supt. Marvin Duadua, tagapagsalita ng South Cotabato Police Provincial Office, positibo umanong nakabili ng droga ang pulis na nagpanggap na buyer.

Pero nang mabisto umano ni Suvillaga na pulis na ang kaniyang ka-transaksiyon, bumunot raw ito ng baril at pinaputukan ang mga pulis.

Gumanti ng putok ang pulis at tinamaan sa katawan si Allan. 

Itinakbo si Suvillaga sa ospital pero hindi na ito umabot nang buhay.

Nakatakas naman ang isa nitong kasama na hindi nakilala ng mga pulis.

Narekober sa lugar ang apat na basyo ng bala ng 9mm, isang .38 caliber revolver na may dalawang basyo ng bala at apat na live ammunition, P500 na buy bust money, at dalawang sachet ng hinihinalang shabu.

Labis ang hinagpis ni Evelyn Seraspi sa pagkamatay ng kaniyang bunsong kapatid. Hindi siya naniniwalang nanlaban ito sa mga pulis.

Wala umano siyang alam sa akusasyong sangkot ang kapatid niya sa ilegal na droga kaya hirap silang tanggapin ang sinapit nito.

Batay sa talaan ng Police Regional Office 12, simula noong Disyembre 5, 2017 hanggang Abril 30, 2018, 53 na ang nasawi sa mahigit 600 na anti-illegal drug operations sa Region 12. 

Nahuli naman 744 suspek sa mga operasyon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.