Sereno binuweltahan si De Castro sa 'malaking gastos sa biyahe'

ABS-CBN News

Posted at May 08 2018 01:03 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Bumuwelta ang nakaliban na si Chief Justice Maria Lourdes Sereno laban sa isa sa kaniyang pinakamatinding kritiko at mahistrado rin sa Korte Suprema.

Gaya ng pagpukol kay Sereno sa isyu ng umano'y maluhong pagbiyahe, ibinabalik ngayon ng punong mahistrado ang ang akusasyon kay Senior Associate Justice Teresita Leonardo-De Castro.

"Hindi nga ako ang may pinakamalaking gastos sa pagbiyahe. Si Justice De Castro ang may pinakamalaking gastos sa biyahe at may pinakamaraming biyahe sa lahat ng hukom sa Korte Suprema," ani Sereno.

Ayon sa liham ni Sereno sa kaniyang mga kapwa mahistrado na ipinakita sa ABS-CBN News, naka-15 biyahe sa ibang bansa si De Castro sa loob ng limang taon.

Gumastos umano ang Korte Suprema ng higit P4 milyon para sa mga biyahe ni De Castro.

Kaya nang muling magpaalam si De Castro na dadalo sa isa pang international meeting noong nakaraang taon, tinutulan na raw ito ni Sereno.

"'Puwede ba, Justice Tess, 'wag na lang kasi madami na naman ikaw biyahe talaga,' kuwento ni Sereno. "Sumama loob niya nang husto, naging source of friction." 

Pero inamin din ni Sereno na lahat ng biyahe ni De Castro ay aprubado ng Supreme Court en banc at karamihan ay dahil sa pag-upo ni De Castro bilang presidente ng International Association of Women's Judges mula 2014 hanggang 2016.

Sumulat ang ABS-CBN News sa opisina ni De Castro para hingin ang panig niya pero wala pang natatanggap na sagot. 

Ayon sa staff niya, nasa official business sa Argentina si De Castro.

Ayon naman kay Supreme Court Spokesperson Theodore Te, kadalasan hindi sumasagot ang mga mahistrado sa mga ganitong request.

Samantala, ninomina naman ni retired Associate Justice Arturo Brion si De Castro bilang kapalit ni Ombudsman Conchita Carpio Morales.

Sa Hulyo, matatapos ang termino ni Morales na dati ring mahistrado ng Korte Suprema.

Sa Oktubre naman nakatakdang magretiro si De Castro mula sa Korte Suprema.

-- Ulat ni Mike Navallo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.