Private hospitals, idinadaing ang bilyong utang ng PhilHealth

ABS-CBN News

Posted at May 08 2018 09:00 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nagbabala ng "hospital holiday" ang grupong Private Hospitals Association of the Philippines, Inc. (PHAP) kapag hindi pa rin umano mabayaran ng PhilHealth ang mga pagkakautang nito sa mga pribadong ospital sa buong bansa. 

Dinadaing nila ang tinatayang P7 bilyon hanggang P9 bilyong utang ng PhilHealth na matagal na daw hindi nababayaran.

"Ang sabi nila, kapag ginamit namin ang e-claims, mas mapapabilis po ang bayad. Ngayon po, ang nangyari lalo pong na-delay ang bayad namin. Hindi po makapasok sa kanilang portal eh," paghihimutok ni PHAP president Dr. Rustico Jimenez.

Ayon pa kay Jimenez, nanganganib na magsara ang maraming pribadong ospital dahil sa mga napabayaang utang ng PhilHealth.

"Kung hindi pa po magbabayad ang PhilHealth by this time, or 2 weeks' time, baka marami nang magsara. Baka mag-ano na po kami, hospital holiday," babala ni Jimenez. 

Sakaling matuloy ang tinatawag nilang hospital holiday, tanging mga pasyente ng PhilHealth na may emergency case lang ang tatanggapin ng private hospitals. 

"Baka hindi na po namin tanggapin ang patients ng PhilHealth kasi po wala nang ipangtutustos ang ospital," aniya. 
    
Ang mga magpapa-check up ay ire-refer na lang muna sa mga ospital ng gobyerno. 

Isa pa sa nakikitang paraan ng mga pribadong ospital para makabawi ay ang i-disaccredit na lang ang kompanya nila sa PhilHealth upang hindi na nila maserbisyuhan ang mga miyembro nito. 

"Tatanggalin namin, in ourselves, ang accreditation ng PhilHealth para walang batas kami na vina-violate...Kung hindi na kami accredited we have every reason na hindi tumanggap, sasabihin namin hindi naman kami binabayaran ng PhilHealth," pagbabanta ni Jimenez. 

Aminado naman si PhilHealth officer-in-charge Celestina Ma. Jude Dela Serna na may mga backlog sila sa bayad sa mga ospital pero ginagawan na raw nila ito ng aksyon, gaya ng rigodon sa kanilang mga regional vice presidents. 

"The PhilHealth management and the board has constituted the health insurance data analytics committee to analyze and check how PhilHealth is doing in the regions. From this data we can see which hospitals are paid and how much and why are we paying them, and gaano na katagal binabayaran," paliwanag ni Dela Serna.

Wala rin daw dapat ipangamba ang mga pribadong ospital dahil may sapat na pondo ang PhilHealth upang tustusan ang mga miyembro nito pati na ang utang.

"Kung ang pag-uusapan ay sapat na pambayad ba, meron po tayong sapat na pambayad at ito po ay as of December 2017. Meron tayong investment portfolio na P123 billion, kailangan lang maproseso ang claims na nasa amin at mga darating na claims," giit ni Gregorio Rulloda, finance executive ng PhilHealth.

Kasabay ng mga utang sa pribadong ospital, kasalukuyan ding nahaharap sa kontrobersiya si Dela Serna matapos umanong gumastos ng P627,000 para sa kaniyang pagbibiyahe, sa kabila ng ulat na lugi ang ahensiya ng P9 bilyon, ayon sa Commission on Audit (COA).

Naglunsad na ng imbestigasyon ang Malacañang ukol sa isyu.

Humihingi naman ng pagkakataon si Dela Serna na makausap si Pangulong Rodrigo Duterte upang magpaliwanag.

--Ulat ni Kori Quintos, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.