Driver na lumabag sa batas-trapiko, nahulihan din ng shotgun

ABS-CBN News

Posted at May 08 2018 12:01 PM

Arestado ang isang driver ng security agency matapos madiskubreng mayroon siyang dalang shotgun, na nabisto lamang nang sitahin siya ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) dahil sa ilegal na pagpaparada. 

Nagsasagawa ng clearing operation ang MMDA sa IBP Road sa Quezon City nang i-tow ang sasakyan ni Enriqueto Flores.

Nagdalawang-isip itong ibigay ang kaniyang lisensiya, at aksidente namang nakita ng mga operatiba ang shotgun sa ilalim ng upuan sa driver’s seat.

"Kami sa MMDA nakakatisod kami ng ganito o nagsisimula lang ito sa resistance sa pagbibigay ng lisensya," ani MMDA spokesperson Celine Pialago.

Driver ng isang security agency si Flores at pagmamay-ari ng kaniyang agency ang kotse. 

Pero giit ng MMDA, hindi pa rin absuwelto si Flores dahil sa umiiral na gun ban ngayong barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections. 

Nakasaad kasi sa section 261 ng Omnibus Election Code na ipinagbabawal ang pagdadala ng anumang armas sa labas ng bahay o pinagtatrabahuhan kahit may permit-to-carry ito, puwera na lamang kung makakakuha ng kaukulang dokumento mula sa Commission on Elections (Comelec). 

Kaagad itinurn over ng MMDA sa pulis si Flores, na dumepensang hindi niya alam na may baril sa kaniyang sasakyan. 

"Hindi ko napansin ['yang baril]. Madilim pa kasi kanina. Kinuha ko at dinala ko ang kotse sa car wash. Magdadala lang sana ako ng guwardya sa Pampanga. 

Hindi nagbigay ng pahayag ang agency dahil sinusubukan na umano nilang ayusin ang "internal problem."

Patong-patong na kaso ang kakaharapin ni Flores, kabilang na ang illegal parking at paglabag sa election gun ban.

Ang driver, hindi makapaniwala na siya ang kakasuhan dahil sa hindi napansing baril sa kaniyang minanehong sasakyan. 

"Hindi ko lubos maintindihan. Napakamalas ko at sa akin napatapat ito," ani Flores. 

--Ulat ni Ernie Manio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.