Babaeng nangikil kapalit ng sex video, timbog

ABS-CBN News

Posted at May 08 2017 05:41 PM

Arestado ang isang babae sa San Carlos, Pangasinan matapos mangikil sa magkasintahan kapalit ng hindi niya pag-a-upload ng mga pribadong retrato at video ng mga biktima.

Kuwento ng magkasintahan, nawala ang cellphone ng lalaki at hindi nila alam paano ito napunta sa suspek.

Kalauna’y kinontak sila ng suspek sa pamamagitan ng social media. Doon na raw nagbanta ang suspek na ipakakalat niya sa internet ang maseselang kuha ng magkasintahan kung hindi siya babayaran.

Una raw nagbayad ang mga biktima ng P2,000. Muling nangikil naman ang suspek ng halagang P5,000.

Sa pagkakataong iyon, dumulog na ang magkasintahan sa mga awtoridad. Ikinasa ng Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group ang entrapment operation laban sa suspek na natiklo nang kukunin na ang hiningi niyang pera sa isang money remittance center.

Nahaharap sa patong-patong na reklamo ang suspek na tumanggi nang magbigay ng pahayag.

Paalala naman ng mga awtoridad, hangga’t maaari, huwag nang kunan ng video o retrato ang mga pribadong gawain. -- Ulat ni Elaine Fulgencio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.