PatrolPH

Mayor Joy Belmonte tiniyak ang tamang paggamit ng pondo sa QC

ABS-CBN News

Posted at May 07 2022 01:57 AM

MAYNILA—Sa dalawang huling araw ng kampanya bago ang halalan sa Lunes, todo-kayod ang mga lokal na kandidato sa Quezon City.

Ang team ni Quezon City Mayor Joy Belmonte, ang mga taga-District 4 ang pinagtuunan ng pansin para sa kanilang miting de avance na ginanap sa Brgy. Teachers Village East.

Idineklara na ni Belmonte ang kanilang panalo bago pa man ang halalan sa Lunes.

"Ngayon palang panalo na po tayo sapagkat naabot natin itong araw ng pagangampanya na wala tayong sinisiraan, wala tayong taong niyuyurak ang puri, wala tayong binabastos, wala tayong niloloko. Ang binalita lang natin ay katotohanan. Marangal na paglilingkod at hindi kailangang gumamit ng gimmick para iangat ang aming sarili. Mananalo tayo na wala tayong ginawang masama sa ating kapwa," ani Belmonte.

Muling ibinida ni Belmonte ang kanilang programa na ang pondo ng bayan ay ibabalik aniya nila sa taongbayan.

Sabi ni Belmonte, pag-upo niya sa puwesto bilang alkalde ng Quezon City noong 2019 ay nasa P22.5-billion lang ang budget ng lungsod.

Dahil sa mga programang inilatag niya kontra kurapsyon ay maraming pondo ang naibalik sa kaban ng bayan kaya nitong taong 2022 ay pumalo na aniya sa P30.5 billion ang budget ng Quezon City.

Samantala, present din ang dating Quezon City mayor at congressman Sonny Belmonte para suportahan ang kandidatura ng anak.

Si Quezon City 4th District Rep. Bong Suntay ng District 4, binanatan naman ang mga kalaban sa pulitika na aniya'y nagpapakalat ng mga spliced na video nila ni Mayor Belmonte patungkol sa planong pagbili ng LGU ng lupang bahagi ng University of the Philippines sa Brgy. Cruz na Ligas sa mataas na presyo.

Ang kapatid ni dating Quezon City Mayor Herbert Bautista na si Hero Bautista na kasama din sa mga kandidatong konsehal sa tiket ni Belmonte ay may kasamang biro ang apela sa mga botante na piliing mabuti ang mga ibobotong lider ng QC.

"Tandaan natin sa pagpili ng lingkod bayan apat lang po ... 'susuriin' natin ang kanilang ginawang trabaho, 'kikilatisin' natin ang serbisyo para sa inyo, 'titimbangin' natin ang kanilang pagkatao at dedikasyon sa serbisyo," ani Hero.

Inamin ni Mayor Belmonte na nagtampo siya kay Hero dahil sa pagkampi ng kapatid nitong si Herbert sa kaniyang kalaban sa pagka-alkalde ng Quezon City, na si Rep. Mike Defensor.

Mistula namang nangangaral ang naging talumpati ni Quezon City Vice Mayor Gian Sotto. Binigyang diin nito na hindi sila mga pulitiko kundi mga "public servant" o lingkod bayan.

Paalala niya, huwag ibebenta ang sagradong boto.

Tinapos ang miting de avance ng tiket ni Belmonte sa pamamagitan ng fireworks display at pasabog ng confetti na kulay pula at berde.

Ang finale ng team ni Belmonte ay mas malakihang miting de avance sa huling araw ng kampanya sa Sabado sa Quezon Memorial Circle.—Ulat ni Johnson Manabat, ABS-CBN News

KAUGNAY NA ULAT

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.