Pagpaparehistro sa online sellers pinaplano ng DTI

ABS-CBN News

Posted at May 07 2020 05:56 PM

Balak ng Department of Trade and Industry (DTI) na magpatupad ng pagpaparehistro para sa online sellers pagkatapos ng krisis sa coronavirus disease (COVID-19).

"Mayroong ginagawa kami... kung puwede tayong magkaroon ng registry of all online sellers," sabi ni Trade Undersecretary Ruth Castelo sa ABS-CBN News noong Miyerkoles.

"Whether individual seller or platform or if it's corporation kailangan may registry para alam ng enforcers natin or ng [DTI] Fair Trade Enforcement Bureau kung sino ang hahanapin 'pag may nag-complain," ani Castelo.

Naglalatag na rin ang ahensiya ng mga patakaran para mabantayan nang maigi ang mga nagbebenta online at magpatupad ng batas.

Ayon kay Castelo, sa ilalim ng Consumer Price Act, walang pagkakaiba ang mga produktong ibinebenta online o sa pisikal.

"Ang importante ang product itself. Kung ano ang retail prices na physical, 'yon din dapat ang presyo sa online," sabi ni Castelo.

Noong nakaraang linggo, naaresto ng mga awtoridad, kasama ang DTI, ang 2 tao dahil sa pagbebenta online ng basic goods nang overpriced o lagpas sa suggested retail price.

Umabot sa P3.5 milyon halaga ng basic goods ang nakumpiska sa naturang operasyon sa Las Piñas.

Pinag-aaralan din umano ngayong ng DTI ang mga delivery fee.

Ayon kay Castelo, base sa kanilang mga pag-aaral, mas mababa ang delivery fee sa Pilipinas kumpara sa delivery fee sa ibang bansa sa Southeast Asia.

Kabilang sa mga dapat isaalang-alang umano sa pagtakda ng delivery fee ang distansiya ng biyahe ng delivery service at ang bigat ng mga produktong ihahatid.

-- Ulat ni April Rafales, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.