PatrolPH

Isolation facility para sa coronavirus patients binuksan sa Tagum City

ABS-CBN News

Posted at May 07 2020 12:57 PM

Binuksan nitong Martes sa Tagum City ang isang isolation facility para sa mga taong hinihinalang may coronavirus disease (COVID-19).

"This is in preparation kung overflowing na ang Davao Regional Medical Center," ani Tagum Mayor Allan Rellon.

Mayroon 28 kuwarto ang pasilidad (ang bawat isa ay may higaan, palikuran, at aircon), na nasa National Highway sa Barangay Canocotan.

Nagkakahalaga ng P16.3 milyon ang pasilidad na isa sanang evacuation center hanggang sa nangyari ang COVID-19 crisis.

Bukod sa mga taga-Tagum, tatanggapin ng pasilidad maging iyong mga nakatira sa mga karatig-lugar na mahahawahan ng sakit, ayon kay Rellon.

Ang mga tauhan ng Tagum City Health Office ang pangunahing mamamahala sa isolation facility. Gagabayan sila ng mga taga-Davao Regional Medical Center.

Nakapagtala ang lungsod ng 10 kaso ng COVID-19 pero wala nang aktibo rito matapos gumaling ang 9 habang binawian naman ng buhay ang isa.

Ayon kay city health officer Arnel Florendo, hindi magiging kampante ang lokal na pamahalaan kahit wala nang aktibong kaso ng COVID-19 sa Tagum.

"The second wave is still the possibility kasi wala pa ring gamot, wala pa ring vaccine, and the virus is still there," ani Florendo.

Nakatakda ring magtayo ng COVID-19 testing laboratory sa Tagum City.

-- Ulat ni Claire Cornelio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.