Ilang mamamahayag sa Baguio nagprotesta kontra sa pagpapasara ng ABS-CBN

Micaella Ilao,ABS-CBN News

Posted at May 07 2020 07:54 AM

Ilang mamamahayag sa Baguio nagprotesta kontra sa pagpapasara ng ABS-CBN 1
Nagprotesta ang ilang mamamahayag sa Baguio City laban sa pagpapasara ng gobyerno sa ABS-CBN Corp. Litrato mula kay Charles Nikko Limon

BAGUIO - Tumayo sa city hall dito ang ilang mamamahayag nitong Miyerkoles bilang parte ng silent protest kaugnay sa pagpapasara ng pamahalaan sa ABS-CBN Corp. 

Maituturing na "attack to press freedom" na nagbalatkayo bilang isyu sa franchise ang utos ng National Telecommunications Commission na ihinto ng ABS-CBN ang broadcast operations nito, giit ng Baguio-Benguet chapter ng National Union of Journalists in the Philippines (NUJP). 

“Worse, it is even because of personal vendetta by no other than the highest official of the land... The President has openly admitted he will block the franchise renewal of ABS-CBN," sabi ng pinuno ng grupo na si Kim Quitasol. 

Hindi rin aniya katanggap-tanggap na isinara ang pinakamalaking media outlet ng bansa sa panahon na kailangan ng taumbayan ng impormasyon para labanan ang COVID-19 pandemic. 

“We call on NTC to rescind their order. We call on Congress to grant ABS-CBN franchise," dagdag ni Quitasol. 

Una nang sinabi ng NTC na papayagan nitong mag-operate hanggang 2022 ang ABS-CBN dahil nakakabinbin pa rin sa Kongreso ang mga panukalang batas para sa renewal ng franchise nito na napaso noong Lunes. 

Pero sa cease-and-desist order nitong Martes, ikinatwiran ng NTC ang expired ng prangkisa ng istasyon para sa pagpapatigil ng operasyon nito.