PatrolPH

ABS-CBN humiling ng TRO vs NTC order

ABS-CBN News

Posted at May 07 2020 05:16 PM | Updated as of May 07 2020 09:24 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA (UPDATE) – Pinatitigil ng ABS-CBN sa Korte Suprema ang pagpapatupad ng kautusan ng National Telecommunications Commission (NTC) na pahintuin ang brodkast ng network sa radyo at telebisyon.

Hiniling ngayong Huwebes ng ABS-CBN, sa pamamagitan ng petisyon, sa hukom na mag-isyu ng temporary restraining order para matigil ang pagpapatupad ng cease and desist order ng NTC sa broadcast operations ng ABS-CBN at DZMM.

Ipinapasantabi ng petisyon ang cease and desist order dahil naabuso umano ng NTC ang diskresyon nito nang hindi nito sundin ang Kongreso sa paglabas ng cease and desist order.

Sa halip, ang sinunod ng NTC ay ang sinabi ni Solicitor General Jose Calida na maglabas ng cease and desist order.

Lumihis din umano ang NTC sa nakagawian nang pagpayag sa mga kompanyang nagre-renew ng prangkisa. Limang kompanya ang itinuro nito na nag-operate kahit paso na ang prangkisa.

Nalabag din umano ang due process ng kompanya dahil hindi man lang ito naabisuhan at nabigyan ng pagkakataon na sagutin ang ano mang paratang laban sa kompanya.

Dagdag ng ABS-CBN, nilabag ng order ang karapatan ng taumbayan na malaman ang mga nangyayari sa bansa dahil nawala ang major source ng information.

Apektado rin ang karapatan sa pamamahayag at malaking pinsala ang dulot nito sa 11,000 manggagawa ng ABS-CBN.

Tumigil ang broadcast operations ng ABS-CBN noong gabi ng Martes matapos maglabas ang NTC ng cease and desist order laban sa network. Napaso na kasi ang prangkisa ng network noong Lunes.

Nakabinbin pa rin sa Kamara ang mga panukalang batas para sa renewal ng prangkisa ng network.

Watch more on iWantTFC

 NTC PINABUBUWAG

Sa Kamara, naghain naman ng panukalang batas si Minority Leader Bienvenido Abante para buwagin ang NTC.

Ayon kay Abante, binastos at binalewala ng NTC ang Kongreso nang magpalabas ito ng cease and desist order laban sa network kahit nangako ito sa mga mambabatas noong Marso na magbibigay ito ng provisional authority para payagan ang ABS-CBN na magtuloy ng operasyon kahit napaso na ang prangkisa nito.

Nauna nang hinimok ni House Speaker Alan Peter Cayetano at ng House legislative franchise committee ang NTC na magbigay ng provisional authority sa ABS-CBN habang patuloy na dinidinig ng lower chamber ang mga panukala para sa franchise renewal.

"Ang ginawang ito ng NTC ay hindi maaaring palampasin ng Kongreso. This is an open defiance and an insult to Congress," ani Abante.

Ipinanukala ni Abante na ilipat sa Department of Information and Communications Technology ang mandato ng NTC sa pangangasiwa sa telecommunications services sa bansa kapag nabuwag na ito.

Naghain din si Agusan del Norte Rep. Lawrence Fortun ng resolusyon para kondenahin ang NTC dahil binali nito ang pangako sa Kongreso na magbibigay ng provisional authority sa ABS-CBN.

Pinadi-dismiss din ni Fortun sa Korte Suprema ang quo warranto petisyon na inihain ni Solicitor General Jose Calida dahil expired na ang prangkisa na nais nitong ipawalang bisa.

Pinababawi naman ni Surigao del Sur 1st District Rep. Prospero Pichay Jr. ang cease and desist order dahil labag umano ito sa Saligang Batas.

Labag daw ang kautusan sa Bill of Rights na pumoprotekta sa karapatan sa due process at malayang pamamahayag.

Sang-ayon kay Pichay si AKO Bicol Party-list Rep. Aflredo Garbin dahil hindi muna pinagpaliwanag ang ABS-CBN bago ito ipinasara.

"The action of NTC violates due process in the sense that ABS CBN were not informed of a proceeding to be able to explain why no action should be taken against them," ani Garbin sa isang pahayag.

-- Ulat nina Mike Navallo, Johnson Manabat, at RG Cruz, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.