ABS-CBN Foundation tuloy sa pagseserbisyo sa kabila ng tigil-brodkast

ABS-CBN News

Posted at May 07 2020 01:47 PM | Updated as of May 07 2020 08:20 PM

Tiniyak ngayong Huwebes ng ABS-CBN Foundation na ipagpapatuloy nila ang paghahatid ng serbisyo publiko kahit pa tumigil ang broadcast operations ng kompanya.

Sa isang pahayag, aminado ang foundation na malaki ang epekto ng pagtigil ng TV at radio broadcast ng ABS-CBN sa kakayahan nilang maghatid ng tulong, lalo sa mga taong naapektuhan ng coronavirus pandemic.

Pero nanindigan ang ABS-CBN Foundation na kahit limitado ang resources, patuloy pa rin nitong pagsisilbihan ang mga Pilipino.

"The cease and desist order of the NTC (National Telecommunications Commission) on ABS-CBN's operations is not only painful, but greatly impacts our ability to aid in scale those affected by the ongoing pandemic," sabi ng foundation.

"The ABS-CBN Foundation, however, is committed to continuing its public service efforts. Even with limited resources, we shall continue to operate and serve the Filipino people during this difficult time, as the welfare of the people is paramount."

Ayon sa foundation, sinusuri muli nito ang plano na palawakin pa ang dami ng mga benepisyaryo ng Pantawid ng Pag-ibig campaign.

"Plans to widen our reach and significantly increase the number of beneficiaries in the coming weeks are being re-evaluated as a result of ABS-CBN going off air," sabi sa pahayag.

Inilunsad ang Pantawid ng Pag-ibig campaign para makapaghatid ng ayuda sa mga pamilyang nawalan ng hanapbuhay dahil sa Luzon lockdown, na ipinatupad para mapabagal ang pagkalat ng COVID-19.

Noong una ay sa Metro Manila lang nakapaghatid ng tulong ang programa pero kalaunan ay pinalawig ito sa mga karatig-lalawigan.

Sa nagdaang 2 buwan, nasa 700,000 pamilya ang nahatiran ng pagkain ng programa habang 73 opsital naman ang nadalhan ng personal protective equipment, ayon sa ABS-CBN Foundation.

Naghain ng cease and desist order ang NTC laban sa ABS-CBN noong Martes, isang araw matapos mapaso ang prangkisa ng kompanya.

Nakabinbin pa rin sa Kamara ang mga panukalang batas para sa franchise renewal ng kompanya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.