VIRAL: Sanggol na iniwan sa bangketa, nagpapalakas na sa ospital

Angela Coloma, ABS-CBN News

Posted at May 07 2019 08:04 PM | Updated as of May 07 2019 08:23 PM

MANILA - Puro galos sa katawan at duguan ang isang sanggol na natagpuan sa isang bangketa sa Caloocan City. 

Natagpuan ang sanggol na tila bagong silang lamang sa kahabaan ng Tangke Road, Barangay 157. 

Viral na sa social media ang post ng PNP Good Deeds page kung saan naikwento na dalawang pulis-Caloocan ang agad na nagdala sa sanggol patungong ospital.

Photo courtesy PNP Good Deeds

Umani na ng halos 4,000 likes at 2,000 shares ang post ng PNP Good Deeds ukol sa ginawa nina PCpl Eddie Torres at PCpl Mardo Nicolas ng Caloocan City Police Station Police Community Precinct 7. 

Ayon sa post, alas-3 ng madaling araw nang matagpuan nina PCpl Eddie Torres at PCpl Mardo Nicolas ng Caloocan City Police Station PCP 7 ang bata.

Agad umanong ipinadala sa Lucas Maternity clinic ang bata para masailalim sa first aid, bago ipa-admit sa Caloocan City Medical Center. 

Sinabi ng Caloocan City Medical Center sa ABS-CBN News na kasalukuyang pinapagamot ang bata sa kanilang ospital. 

May mga lumalapit din umano sa kanilang tanggapan para mag-alok ng mga donasyon gaya ng mga diaper, gatas, at iba pa. 

Nakatakda ring ilagay sa kustodiya ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang sanggol, ayon sa Caloocan City Station PCP 7.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.