Panunutok sa kawani ng Bataan, iniimbestigahan na

Gracie Rutao, ABS-CBN News

Posted at May 07 2019 01:12 PM

Hindi pa maikokonsidera ng awtoridad na election-related ang panunutok ng baril at pag-agaw ng cellphone sa isang empleyado ng munisipyo ng Limay. Gracie Rutao, ABS-CBN News

LIMAY, Bataan – Iniimbestigahan na ng awtoridad ang insidente ng panunutok ng baril sa isang empleyado ng munisipyo ng Limay.

Nangingilid pa ang luha sa takot nang humarap sa ABS-CBN News ang 50-anyos na empleyado ng munisipyo ng Limay na si “Pilar”.

Lunes ng umaga nang pagbantaan sila at tutukan ng baril ng mga armadong lalaki sa Upper Tundol sa Barangay Reformista.

Kuwento ni Pilar, nagbibigay sila ng senior citizen invitation para sa may mga kaarawan ng Mayo 1-15 nang harangin ng dalawang armadong lalaking sakay ng motorsiklo sa isang iskinita.

“Ngayon ang sabi nung lalaki, dapa! Bigla po siyang lumapit sa amin, pinadapa niya po 'yung driver tapos biglang kasa tapos tinutok, tapos po nagulat ako nakaganyan po 'yung kamay ko nandun 'yung cellphone at invitation 'yung po 'yung hinatak sa akin,” sabi ni Pilar.

Hinala ng pulisya na napagkamalang may dalang pera ang biktima.

“Napagkamalan siguro na pera 'yung sobre niyang dala kaya 'yung nakuha lang sa kaniya 'yung cellphone na nagkakahalagang P6000,” sabi ni Police Major Emelito Dela Cruz, hepe ng Limay Police.

Kaagad nagsagawa ng manhunt at flash alarm ang pulisya at kilala na ang isa sa mga suspek.

Sinisiyasat na rin ng pulisya kung may CCTV sa lahat ng entry at exit points malapit sa insidente para makatulong sa pagtukoy sa iba pang mga suspek.

Takot din ngayon si Pilar hindi lamang sa personal na kaligtasan kung ‘di maging sa seguridad ng kaniyang pamilya.

“Natatakot din ako dahil 'yung anak ko, ako matapang ako pero pagdating sa pamilya ko humihina ako…inaano ako ng mga kapatid ko baka madamay sila. Ako, barilin nila ako d'yan basta ako nasa tama ako. Ayoko sa mali. Ako, matagal na sa Limay. Matagal na rin akong botante,” sabi niya.

Sabi ng pulisya, nananatiling under investigation ang insidente at hindi pa nila ito kinokonsiderang election-related sa ngayon.

“Hindi natin masabi na election-related katulad nun, kinuha lang 'yung cellphone, 'yung sobre umalis na 'yung mga perpetrators. First time po itong mangyari sa Limay,” sabi ni Dela ruz.

Nanawagan naman ang pulisya sa tulong ng publiko sa pagmamatyag at kaagad na ipagbigay-alam sa kanila ang anumang insidente ng harassment.

Nanindigan pa rin ang pulisya na magiging malinis at payapa ang eleksyon sa Limay sa Lunes

Ayon sa Commission on Elections sa Limay, nakikipagtulungan sila sa pulisya pero nilinaw na wala pang naitatalang election-related violence sa kanilang lugar noong mga nakaraang halalan.

“I’m not familiar dun sa isyu. Kausapin ko po 'yung aking hepe, aalamin ko kung anong nangyari po,” saad ni Melanio Sibayan ng Comelec-Limay.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.