Bangka muntik lumubog sa Leyte; 6 pasahero nasagip

Jeffrey Hernaez, ABS-CBN News

Posted at May 07 2019 10:12 PM | Updated as of May 08 2019 05:03 AM

MAYNILA - Muling pinaalalahanan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang publiko na iwasang maglayag gamit ang maliliit na sasakyang pandagat tuwing masama ang panahon.

Ito ay matapos muntikang lumubog ang isang pribadong motorbanca sa karagatan ng Barangay Kalanggaman sa Bato, Leyte.

Ayon sa PCG, unang namataan ng mga opisyal ng barangay ang papalubog na motorbanca sa gitna ng malakas na alon sa dagat. Nang marating ng mga tauhan ng PCG, kalahati na ng motorbanca ang nakalubog sa tubig. 

Agad namang nailigtas ang anim na sakay nito kabilang ang isang 11 anyos at 7 anyos na bata.

Paaala ng PCG, gumamit lamang ng mga sasakyang pandagat alinsunod sa rekomendasyon ng Maritime Industry Authority.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.