3 bodyguard ng mayor sa Negros Occidental, nakuhanan ng armas

Marty Go, ABS-CBN News

Posted at May 07 2019 06:27 PM

Arestado Martes ng umaga ang 3 close-in security personnel ni Mayor Joselito Malabor ng bayan ng Isabela, Negros Occidental, Martes ng umaga matapos makuhanan ng mga armas at bala.

Sinalakay ng pulisya ang mga bahay ng mga nasabing lalaki sa bisa ng search warrant. Nabawi mula sa kanila ang mga kalibre .45 na baril, mga magazine at bala.

Ayon kay Police Colonel Romeo Baleros ng Negros Occidental Provincial Police Office, walang naipakitang lisensiya sa pagmamay-ari ng armas ang mga inaresto.

Haharap sila sa kasong illegal possession of firearms and ammunition.

Dalawa sa mga inaresto ay mga retiradong sundalo.

Kasalukuyan pang iniimbestigahan ang background ng 3. Tintingnan rin ng pulisya kung may kinalaman sila sa nangyaring pananambang sa bayan ng Moises Padilla noong Abril 25 kung saan namatay ang reelectionist councilor na si Michael Garcia at tiyuhing si Mark Garcia.

Inamin naman ni Malabor na security personnel niya ang 3. Handa rin umano siyang magbigay ng tulong sa kasong haharapin nila.

Pero naniniwala ang alkalde na may kinalaman sa politika ang nangyaring raid. 

Paliwanag naman ni Baleros, inihain lamang ang search warrant at sa korte na lamang sagutin ng mga inaresto ang reklamo sa kanila.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.