Recruitment ng Pinoy workers sa Czech Republic, kasado na

ABS-CBN News

Posted at May 07 2018 07:39 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Selyado na ang kasunduan sa pagkuha ng 1,000 manggagawang Pinoy na maaaring magtrabaho sa ilang kompanya sa Prague, Czech Republic.

Dumalo sa isang forum sa Prague kamakailan ang mga tauhan ng embahada ng Pilipinas at recruitment partners mula Pilipinas para makipagpulong sa mga kinatawan mula sa higit 20 kompanyang may kinalaman sa automotive, electronics, at manufacturing at nangangailangan ng mga dayuhang manggagawa.

Tinutulak ng embahada at recruitment partners ang umano'y "ethical recruitment" para wala umanong madehado sa mga manggagawa at mga kompanyang kukuha sa kanila.

"What is this ethical recruitment? It's doing the right thing... we will have more sustainability, we will avoid problems. For example, illegal recruitment will be avoided," ani Philippine Embassy Charge d'Affaires Jed Dayang.

"It's very, very important that we look into the migration of Filipino workers and that we do it right the very first time," ani Dayang.

Pebrero nang buksan ng Czech Republic ang pintuan nito para mag-alok ng trabaho sa mga Pinoy, bunsod ng lumalagong ekonomiya at pagtanda ng kanilang populasyon.

Posibleng lumobo pa sa mga susunod na taon ang bilang ng mga manggagawang Pinoy na kukuhanin ng Czech Republic kung walang aberya sa mangyayaring recruitment, ayon kay Cesar Averia, pangulo ng recruitment agency na Edi-Staffbuilders International (EDI).

"We want to help President Duterte's initiative to get the best employment for the Filipinos," ani Averia.

Isang project manager mula sa e-commerce company na Alza.cz ang nakatakdang pumunta ng Pilipinas sa Hunyo para kumuha ng 50 katao na ipapasok sa kanila bilang drivers, packers, at supervisors.

Wala umanong gagastusin ang mga Pinoy, at kasama sa compensation package ang airfare at tirahan.

"We would like to try East Asia because we heard that they are good workers. We expect to find stable, good working people who would like to be loyal to our company," anang project manager na si Jan Linhart.

-- Ulat ni Rose Eclarinal, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.