LONDON - Tatlong araw na selebrasyon, simula Sabado, ang araw ng koronasyon ni King Charles III at Queen Camilla. May Sunday lunches sa buong bansa at Windsor Palace concert: Ilan lang ito sa mga inaabangan ngayong weekend sa United Kingdom.
Ilang oras bago ang koronasyon, mala-piyesta sa Buckingham Palace dahil sa dami ng bumibisita, kasama na ang royal fans na patuloy na kahit bumuhos ang ulan, 'di natitinag sa kanilang puwesto.
"Prince Harry at Duchess Meghan"
Marami naman ang nasorpresa dahil biglang nakita sa the Mall sina “Prince Harry” at “Duchess Meghan.”
Pero hindi sila ang totoong royals na naka-base na sa Amerika, kundi ang kanilang look-alikes.
“We are here to support my proud father, actually, whatever happens, we will just put it to one side so it’s his moment so we are just here to support him for this moment,” sambit ni “Prince Harry”. “I’m trying to keep a low profile,” sabi ni “ Duchess Meghan.”
“We are here outside Buckingham Palace and Prince Harry and Meghan look-alikes. So everyone is going crazy and jostling to get a selfie with them,” sabi ni Allison Jackson, artist.
Ilan lang ito sa mga makulay na eksena sa paligid ng Buckingham Palace kaya ramdam ang excitement sa lugar. Kumapal na rin ang bilang ng royal fans na nag-camp out sa kahabaan ng the Mall.
Hindi rin nagpa-huli ang mga Pinoy sa pagdayo sa pinakasikat na palasyo sa United Kingdom.
“Nung dumating ako dito 1975, yun ang Silver Jubilee. Nakita ko na si Queen, until then, ito naman ang anak naman niya ngayon ang magiging hari, so that’s the best way to remember them as a royal. Good luck King Charles and Camilla,” sabi ni Flordeliza Ferrer, Pinoy sa London.
Isa-isa na ring dumarating ang world leaders, dignitaries, royal family at VIPs na dadalo sa coronation ni King Charles III at Queen Camilla.
Kaya labas pasok ang sasakyan at todo higpit pa rin sa seguridad sa Buckingham Palace. Sa loob ng palasyo abala na ang Hari at Reyna sa pagtanggap ng mga bisita.
Mahigit 100 heads of state at VIPs mula sa higit 200 bansa ang inaasahang darating ngayong weekend, kasama si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. at First Lady Liza Marcos.
Humiling na rin si Prime Minister Rishi Sunak na makapulong si Marcos Jr. pero pinaplantsa pa umano ang mga detalye.
British PM Rishi Sunak at President Ferdinand Marcos, Jr. (ABS-CBN News File photo)
“I’m doing my best to talk to them. It’s a meeting and certainly the minute we know it, we will let you know,” sabi ni PH Ambassador to UK Teodoro Locsin, Jr.
London ang sentro ng aksyon sa Sabado, pero hindi rin nakalimutang maghatid ng kasiyahan sa mga residente ng Windsor.
Windsor Castle
Ito kasi ang komunidad ng namayapang si Queen Elizabeth II at ang kanyang permanenteng tahanan nung nabubuhay pa.
Isang star-studded concert and gagawin dito sa darating na Linggo ng gabi, na pangungunahan ni Katie Perry, Lionel Richie at Andrea Bocelli.
Nami-miss ng mga taga-Windsor ang namayapang Reyna, pero ito raw ang bagong kabanata ng monarkiya. “Nung buhay pa si Queen Elizabeth II, it was normal na kada event, nandito ako sa Windsor.
Sana lang madalas dito sa Windsor si King Charles, like the Queen dati,” saad ni Ghie Furagannan, taga-Windsor.
“Whatever church you belong to, our role is to pray for all leaders, and authorities so we may have peace in the land. I believe the new King will usher us in a new era,” sabi Rev. Lea De Jesus Janolo ng Jesus Of Lord Worldwide Ministries.
Mula sa pitong dekadang paghihintay ng engrandeng koronasyon, ngayon oras na lang ang hinihintay para muling mapanuod ang ka-abang-abang na royal spectacle.
Para sa mga nagbabagang mga balita tungkol sa Royal Coronation ni King Charles III at Queen Camilla ng United Kingdom, tumutok sa TFC News sa TV Patrol.