PatrolPH

Terminals napupuno ng mga uuwi sa probinsiya para sa #Halalan2022

ABS-CBN News

Posted at May 06 2022 03:39 PM

MAYNILA - Marami na ang nagsisimulang umuwi sa mga probinsiya para makaboto sa Lunes sa Halalan 2022. 

Hatinggabi pa lang ay pila na ang mga pasahero sa bus terminal sa Cubao, Quezon City para makauwi sa Samar at Leyte. 

Mahalaga rin anilang magkaroon ng partisipasyon sa pagpili ng mga bagong magiging pinuno ng bansa. 

Nagpalipas din ng gabi sa Paranaque Integrated Terminal Exchange ang mga bibiyahe pa-probinsiya. 

Ayon sa mga biyahero, maaga sila pumunta para maiwasan ang pagdagsa ng mas maraming tao sa mga terminal. 

Nasa 114,000 ang pasaherong naitala noong Huwebes at inaasahang dadami pa ito sa weekend, ayon kay PITX Spokesperson Jason Salvador.

Samantala, nakaporma na rin ang mga polling center sa Calabarzon para sa botohan, kung saan manggagaling ang higit 9 milyong botante. 

Aabot sa 3,304 voting centers na karamihan ay mga eskuwelahan ang nakahanda sa rehiyon. 

May mga isolation polling places din para sa mga magkakaroon ng sintomas ng COVID-19. 

Nakipag-ugnayan na rin ang mga awtoridad sa mga electric company para matiyak ang stable na suplay ng kuryente sa halalan. 

-- May mga ulat nina Lyza Aquino at Michael Delizo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.