Marcos Jr., nangampanya sa Davao del Norte: Ang boto sa Uniteam ay boto para sa pagmamahal sa Pilipinas

Joyce Balancio, ABS-CBN News

Posted at May 06 2022 04:18 AM

Binigyang-diin ni presidential aspirant Bongbong Marcos ang kahalagahan ng bawat boto na mapupunta sa tambalan nila Davao City Mayor Sara Duterte. 

Aniya, ito ay boto hindi lamang para mailuklok sila sa pwesto, pero aniya sa bawat na ito nakasalalay ang kinabukasan ng bansa. 

"Ito po ay magiging napakamakabuluhan na halalan dahil sa Lunes, aalamin natin kung saan natin itutungo ang ating minamahal na bansang Pilipinas, kung ano ang ating mga gagawin para tulungan ang mamamayang Pilipino," sabi ni Marcos Jr sa kanyang talumpati sa miting de avance ng Uniteam sa Tagum City, Davao del Norte.

"Kayo ay bumoboto para sa kinabukasan. Kayo ay bumoboto para sa pagkakaisa. Kayo ay bumoboto para sa bawat pangkaraniwang mamamayang Pilipino. Kayo ay bumoboto sa ating pagkakaisa. Ang boto ninyo para kay Marcos at kay Duterte at sa ating Uniteam ay ang boto para sa pagmamahal ng Pilipinas," dagdag pa niya. 

Sinabi rin ni Marcos na sisipagan nila ni Duterte para maiangat ang buhay ng mga Pilipino sakaling sila na ipanalo ng mga Pilipino. 

"Kung kayo po ay napupusuan ninyo ang Uniteam, ang tambalang Marcos-Duterte kami ay nangangako, na kami ay gagawin namin sa aming kakayahan, sa buong sipag na walang pagod at patuloy na pagtatrabaho para sa ating bansa upang sama-sama po tayong babangon muli," sabi ni Marcos.

Ito ang ikalawang miting de avance ng Uniteam matapos ang nauna sa Iloilo nitong Martes. 

Nasa 690,248 ang rehistradong botante sa Davao Del Norte, ang ikalawang probinsya sa Region 11 pagdating sa dami ng mga botante para sa Halalan 2022.

Noong 2016 national elections, tinalo dito ng runningmate ni Pang Rodrigo Duterte na si Alan Peter Cayetano si Marcos Jr. sa vice-presidential race.

Si Cayetano ay nakakuha noon ng 216,056 na mga boto, habang si Marcos Jr ay nasa 130,796. 

Ngayong halalan, hindi si Marcos ang in-endorso ng ilang lokal na opisyal ng probinsya.

Si Davao Del Norte 1st district Rep Pantaleon Alvarez at maging si Gov. Edwin Jubahib, in-endorso ang kandidatura ni Vice President Leni Robredo. 

Gayunman, ikinatuwa ni Marcos ang aniya'y mainit na pagtanggap ng mga taga Tagum City sa kanilang miting de avance. 

Kahit kasi umulan nitong Huwebes ng hapon, napuno ng mga tagasuporta ang capitol grounds kung saan naganap ang kanilang programa.

"Tatlo po ang aming miting de abanse, isa sa Luzon, isa sa Visayas, isa sa Mindanao, kayat ang napunta ang naging miting de abanse namin ay pinili namin ang Tagum City. Hindi kami nagkamali ng pagpili....Mabuhay kayo! Parating na tayo, parating na tayo sa katapusan ng kampanya," sabi ni Marcos Jr. 

Sa Sabado naman gaganapin ang huling miting de avance ng Uniteam sa Paranaque City.