PatrolPH

Matapat na driver, nagsauli ng bag na may lamang P20K

ABS-CBN News

Posted at May 06 2021 06:50 PM | Updated as of May 06 2021 06:51 PM

Matapat na driver, nagsauli ng bag na may lamang P20K 1
Naisauli rin ng araw na iyon ang bag na may lamang P20,000 na naiwan sa tricycle ni Jervin Udarbe Abuzo sa Butuan City.

Isang driver ang nagbalik ng bag na may lamang P20,000 sa babaeng nakaiwan nito sa loob ng kaniyang tricycle sa Butuan City nitong Martes.

Ayon kay Jervin Udarbe Abuzo, naiwan ni Manilyn Poliga ang kaniyang bag sa upuan sa likod ng tricycle dahil na rin sa dami ng dala nitong gamit.

Agad na dumulog sa Butuan City Public Information Office si Abuzo upang magpatulong na maisauli sa may-ari ang bag.

Sabi ni Abuzo, sa hirap man ng buhay sa ngayon lalo pa't apektado silang mga driver dahil sa pandemya, hindi siya nagdalawang-isip na isauli ang bag dahil alam niyang mas nangangailangan ang may-ari nito.

Malaki naman ang pasasalamat ni Poliga dahil sa pagiging matapat ni Abuzo at naisauli din ng araw na iyon ang bag na may lamang perang pambili ng materyales para sa kanilang bahay.

Inabutan ni Poliga ang driver ng P1,000 bilang kaniyang reward at pasasalamat.

- Ulat ni Lorilly Charmane D. Awitan

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.