PatrolPH

'Tulak' timbog matapos gawing 'puhunan' ang cash aid para sa negosyong droga

ABS-CBN News

Posted at May 06 2020 01:56 PM

MAYNILA — Arestado ang isang 24 anyos na lalaking tulak umano ng droga matapos mahulihan ng hinihinalang shabu sa Barangay 244 sa Maynila. 

Kinilala ang suspek na si alyas “Bay” na pinaniniwalaang ginamit ang nakuhang cash aid mula sa gobyerno para ipampuhunan sa droga. 

Nahuli ang suspek matapos isumbong ng isang concerned citizen.

Ayon sa Sampaloc Police, nagbebenta si Bay ng P500 halaga ng hinihinalang shabu. 

Nang maaresto, nakuha sa suspek ang nasa 10 gramo ng hinihinalang shabu na may P68,000 halaga. 

Ayon kay Sampaloc police commander Lt. Col. John Guiagui, ginamit ng suspek ang nakuhang pera ng kaniyang misis sa ilalim ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program para gawing pampuhunan sa negosyong droga. 

Aminado ang suspek na isang buwan na siyang walang trabaho. 

Sasampahan ang suspek ng kasong pagbebenta ng ilegal na droga. 


— Ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.