Hindi na nakapagtrabaho ang mga anak ni Norma Agarao simula noong magkaroon ng enhanced community quarantine, na ipinatupad para mapabagal ang pagkalat ng COVID-19.
"Nakakaraos naman sa araw-araw dahil marami naman ang pinamimigay dito," ani Agarao sa panayam ng ABS-CBN News.
Masaya si Agarao dahil isa siya sa mga napiling tulungan ng Anti-Kidnapping Group (AKG) ng Philippine National Police (PNP).
Namahagi ngayong Miyerkoles ang PNP-AKG ng mga food pack sa higit 500 pamilya sa Barangay Cabuco sa Trece Martires, Cavite.
Bawat food pack ay may lamang 2 at kalahating kilo ng bigas, mga sardinas, at noodles.
Bukod sa senior citizens tulad ni Agarao, tinulungan din ng PNP-AKG ang mga informal settler na inilipat sa barangay mula Estero de Magdalena sa Maynila.
"May ayuda ang city government pero napakahirap ng situwasyon ngayon kaya kailangan din talaga ng tulong," ani Trece Martires City Councilor Joyce Mojica.
Ayon kay Police Maj. Ronaldo Lumactod Jr. ng PNP-AKG, mula sa sarili nilang mga bulsa ang kanilang ginastos para makabili ng pagkain sa mga residente.
"Voluntary contribution ito, kung magkano man maiaambag ng mga pulis," aniya.
Noong Enero, namahagi rin ng food packs ang PNP-AKG sa mga residenteng naapektuhan ng pagsabog ng Bulkang Taal.
-- Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, rehiyon, Trece Martires, Cavite, food packs, relief, ayuda, senior citizen, Philippine National Police Anti-Kidnapping Group, PNP-AKG, relocation, Estero de Magdalena