PatrolPH

'Nabulaga, nadismaya': Ilang eksena bago mawala sa ere ang ABS-CBN

ABS-CBN News

Posted at May 06 2020 02:13 PM | Updated as of May 06 2020 02:15 PM


MAYNILA — Bago ang pagtigil-ere ng ABS-CBN noong Martes, nakatutok sa mga telebisyon ang maraming Pilipino para tunghayan sang huling newscast ng pangunahing news program ng network na TV Patrol.

Hapon ng Martes nang magbaba ng cease and desist order ang National Telecommunications Commission (NTC) laban sa pag-ere ng ABS-CBN matapos mapaso ang prangkisa nito noong Lunes.

Sabi ng NTC, wala nang awtorisasyon ang ABS-CBN para manatili sa ere ang mga TV at radio stations nito. 

Lagpas alas-6 ng gabi nagsimula ang TV Patrol para ibalita ang mga isyu ukol sa pagpapasara sa network. 

Sa retrato ng ABS-CBN News, makikita ang isang mag-asawa na binabalikan ang alaala sa panonood ng ABS-CBN.

'Nabulaga, nadismaya': Ilang eksena bago mawala sa ere ang ABS-CBN 1
George Calvelo, ABS-CBN News

May ilan, gaya ng Cercado family na tumutok sa pag-ere ng TV Patrol bilang pamilya. 

'Nabulaga, nadismaya': Ilang eksena bago mawala sa ere ang ABS-CBN 2
Jonathan Cellona, ABS-CBN News

Nabulaga naman ang 70 anyos na si Trinidad Gealone sa pagkawala sa ere ng ABS-CBN lalo na't hindi na niya mapapanood ang mga paborito niyang teleserye. 

Bukod pa rito, pangamba niya ang mga epekto ng pagtigil ng broadcast operations sa mga mawawalan ng trabaho sakaling tuluyang magsara ang Kapamilya network. 

Hindi rin maiwasang maging emosyonal ng ilang tagatangkilik ng network, gaya ng 40 anyos na si Jackson Lucero. 

May down syndrome si Lucero at kinahihiligan talaga umano nito ang panonood sa ilang Kapamilya shows gaya ng "Magandang Buhay" at "It's Showtime," ayon sa pamangkin nitong si Dennis Caag. 

"Base dun sa nangyari kagabi, tila papatak ang kaniyang mga luha at gustong gusto niyang umiyak," ani Caag. 

"Alam naman natin na hindi lahat ng may down syndrome ay nakakapagsalita pero ramdam natin kung gaano kasakit," dagdag niya. 

Hindi ring mapigilan ng ilang empleyado ng ABS-CBN na maging emosyonal habang pinapanood ang huling pag-ere ng TV Patrol. 

'Nabulaga, nadismaya': Ilang eksena bago mawala sa ere ang ABS-CBN 3
Fernando Sepe Jr., ABS-CBN News

Nakabinbin sa Kongreso ang mga panukalang layong ipa-renew ang prangkisa ng network. 

Inalmahan ng marami ang naging hakbang ng NTC lalo na't kinakailangan ang balita sa gitna ng pandemic.

—May ulat nina Henry Atuelan at Jervis Manahan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.