PatrolPH

Minimum na pasahe sa mga tricycle sa Puerto Princesa dumoble

ABS-CBN News

Posted at May 06 2020 04:55 PM | Updated as of May 06 2020 06:29 PM

Tumaas ang minimum na pasahe sa mga pampasaherong tricycle sa Puerto Princesa, Palawan matapos ipag-utos na isang tao na lang ang maaaring sumakay sa mga ito para maiwasan ang hawahan ng coronavirus disease (COVID-19).

Sa resolusyon na ipinasa noong Lunes ng Sangguniang Panlungsod ng Puerto Princesa, itinaas sa P20 ang pasahe sa mga tricycle para sa unang 2 kilometro mula sa dating P10.

Ito ay para kumita pa rin umano ang mga tricycle driver habang sinusunod ang physical distancing, na hakbang para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.

Nagbigay rin ang lokal na pamahalaan ng tig-12 litrong petrolyo bilang ayuda para sa mga prangkisadong tricycle.

"Alam naman natin na matagal din natengga ang pasada nila kaya kahit sa maliit na paraan ay makatulong tayo," ani Puerto Princesa City Councilor Jimbo Maristela.

Ipinag-utos na rin ang pagsuot ng face mask ng mga tricycle driver at pasahero.

Tumigil sa pamamasada ang mga tricycle driver matapos isailalim ang buong Luzon at iba pang panig ng bansa sa enhanced community quarantine, kung saan suspendido ang pampublikong transportasyon, para mapabagal ang pagkalat ng COVID-19.

Nananatili sa lockdown ang ilang bahagi ng bansa hanggang Mayo 15 pero ang ibang lugar, kasama ang Palawan, ay isinailalim na sa general community quarantine kung saan mas maluwag ang mga patakaran para malabanan ang COVID-19.

-- Ulat ni Rex Ruta, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.