Cruise ship na may namatay dahil sa COVID-19, dumating na sa Pilipinas

Dexter Ganibe, ABS-CBN News

Posted at May 06 2020 10:31 PM | Updated as of May 06 2020 11:19 PM

MAYNILA — Dumating na sa bansa nitong Miyerkoles ang cruise ship na Ruby Princess mula sa Australia, ayon sa Philipine Coast Guard. 

Ayon kay PCG spokesperson Commodore Armand Balilo, kasalukuyang nasa karagatan ng Mindoro ang barko. 

Batay aniya sa pakikipag-ugnayan nila sa shipping agent, Huwebes ng umaga papasok sa Manila Bay ang Ruby Princess cruise ship na kabilang sa mga crew ang 214 Pinoy.

Sa Huwebes din isasagawa ang coronavirus disease 2019 (COVID-19) test para sa mga Pinoy crew dahil may mga nagpositibo sa loob ng barko habang naka-quarantine ito sa Port Kembla sa katimugan ng Sydney.

Umabot sa higit 20 na sakay ng cruise ship ang namatay dahil sa COVID-19.

Pinayagan itong maglayag papunta ng Pilipinas matapos ang 14-day quarantine habang nakadaong sa Australia para ihatid sa bansa ang mga Pinoy crew.

Una nang napauwi ang 360 Pinoy crew ng cruise ship na sinundo ng 
Cebu Pacific noong Abril.

Sasailalim pa rin sa quarantine sa Pilipinas ang mga Pinoy crew bago sila payagang umuwi sa kani-kanilang tahanan. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.