Dry run ng provincial bus ban sa EDSA itinigil muna

ABS-CBN News

Posted at May 06 2019 08:27 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Pansamantala munang itinigil ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang dry run ng pag-alis ng mga provincial bus sa EDSA. 

Ito ay para pagbigyan ang mga uuwi ng probinsiya para bumoto sa halalan sa Mayo 13.

Ibig sabihin, tuloy pa rin ang paggamit sa 47 provincial bus terminals sa EDSA, at hindi muna ipagagamit ang mga interim bus terminal sa Valenzuela City at Santa Rosa, Laguna. 

Pero ipinaalala ni MMDA Chief Traffic Inspector Bong Nebrija na bawal pa ring magbaba at magsakay ng mga pasahero sa EDSA.

"Puwede lang po kayo pumik up at mag-drop off ng passengers in your own terminals," ani Nebrija. 

Habang walang dry run, aayusin ng Department of Transportation at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mga panuntunan sa pag-alis sa mga terminal sa EDSA. 

Inaayos na rin ng LTFRB ang operasyon ng mga maaapektuhang city bus na biyaheng Santa Rosa at Valenzuela.

Pag-aaralan din ang posibleng re-routing ng mga city bus papunta sa 2 terminal, ani LTFRB Chairman Martin Delgra.

Wala pang petsa kung kailan babalik ang dry run at kung kailan ang pagpapatupad ng provincial bus ban sa EDSA. --Ulat ni April Rafales, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.