Ilang tagasuporta ni Sereno, nangangalap ng pirma, dumulog sa Korte Suprema

ABS-CBN News

Posted at May 06 2018 10:03 PM | Updated as of May 07 2018 04:24 PM

Nagpapatuloy ang prayer vigil ng mga tagasuporta ng nakaliban na Chief Justice Maria Lourdes Sereno.

Gagawin umano nila ito hanggang sa araw na sinasabing ilalabas ang paghuhusga sa quo warranto petition laban kay Sereno.

Nangalap din sila ng 16,000 lagda at dumulog mismo sa Korte Suprema para kumbinsihin ang mga kapwa mahistrado ni Sereno na ibasura ang petisyon.

"Alam po ninyo, ang quo warranto ay walang basehan sa Saligang Batas," ani Atty. Pingki Bernabe ng Coalition for Justice.

QUO WARRANTO

Kampante naman si Sereno na hindi pa matatapos ang kaniyang panunungkulan.

"Hindi ko masasabing end game pero delikado. Unprecedented ito. Hindi pa nangyayari sa buong kasaysayan ng Pilipinas," ani Sereno.

Nitong Biyernes, Mayo 4, muling hiniling ni Sereno na ibasura ang quo warranto petition laban sa kaniya dahil pabago-bago umano ang alegasyon nito tungkol sa bilang ng naisumiteng SALN at nagdagdag pa ng alegasyon na wala naman sa original petition.

Kasabay nito, isa pang mahistrado ang pinapa-inhibit ni Sereno sa quo warranto petition laban sa kaniya.

Pinapa-inhibit ni Sereno si Associate Justice Samuel Martires dahil sa kaniyang pahayag sa oral arguments sa Baguio na maituturing na senyales ng mental illness ang labis na pagtitiwala sa Diyos.

"Would you agree it's a mental illness when a person always invokes God as the source of his strength? The source of happiness? The source of everything in life? Is that mental illness?" sabi ni Martires sa Supreme Court oral arguments.

Si Martires ang ikaanim na mahistrado na pinapainhibit ni Sereno.

Bukod kay Martires, pinapa-inhibit din ni Sereno sina Associate Justices Teresita Leonardo-De Castro, Diosdado Peralta, Lucas Bersamin, Francis Jardeleza, at Noel Tijam.

"Kung na-prejudge mo na ang isang kaso, hindi ka puwedeng umupo lalo na nang sinabi mong nagtitiis kayo sa akin," ani Sereno.

Naniniwala naman si dating solicitor general Florin Hilbay na hindi matatanggal si Sereno dahil sa quo warranto petition.

Giit ni Hilbay, na-meet ni Sereno ang tatlong requirements ng Judicial and Bar Council para sa posisyon ng chief justice at ang pagsusumite ng Statements of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) ay hindi parte ng requirement para sa posisyon.

"Kaya po 'yung pagfa-file ng SALN dati or kakulangan sa pag-file ng SALN, 'yung pagsisinungaling, pag-iimbento ng resolution, those may be grounds for removing her through impeachment process pero hindi siya ground para tanggalin through quo warranto," ani Hilbay.

Sa forum sa UP Diliman na dinaluhan ng supporters ni Sereno, umapela siyang muli sa Senado na simulan na ang pagdinig sa kaniyang impeachment.

"Simulan niyo na po ang paglilitis ko sa Senado," ani Sereno. "Sa House justice committee, aminin na nila wala naman talagang kaso."

Habang papalapit ang May 11 kung kailan napaulat na ilalabas ng Korte Suprema ang hatol sa quo warranto laban kay Sereno, nangako ang punong mahistrado na itutuloy niya ang laban.

-- Ulat ni Mike Navallo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.