Barangay chairman sa Misamis Oriental, arestado dahil sa ilegal na droga

Rod Bolivar, ABS-CBN News

Posted at May 06 2018 09:54 PM

Photo courtesy: Opol Police

OPOL, Misamis Oriental – Inaresto ng pulisya ang isang barangay chairman sa bayang ito Linggo ng umaga dahil sa umano'y pagkakasangkot niya sa ilegal na droga.

Bagama't hindi kabilang sa narco-list ng PDEA si Hermito Laid, chairman ng Barangay Patag, ay kasama naman siya sa high value target ng Philippine National Police (PNP).

“Matagal nang under monitoring si Laid kaya naghain ang PNP ng search warrant sa korte,” sabi ni Opol Municipal Police Station investigator SPO2 Benhur Penaloga.

Narekober sa bahay ng opisyal ang 9 na pakete ng pinaniniwalaang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P4,500. Nakita din sa loob ng bahay ang isang granada.

Photo courtesy: Opol Police

Kumakandidato uling barangay chairman si Laid ngayong halalan matapos siyang nakapagsilbi ng dalawang termino. Ayon sa kanya, walang katotohanan ang paratang na sangkot siya sa ilegal na droga.

“Nagulat na lamang ako sa nakita nila sa loob ng aming bahay. Alam ng Panginoon ang toong nangyari,” giit ni Laid.

Kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act at Illegal Possession of Explosive ang haharapin ni Laid.

Ayon sa Comelec, dahil hindi pa convicted si Laid, magpapatuloy pa din ang kanyang kandidatura sa darating na halalan.