1.5 milyong miyembro ng Iglesia nagmartsa vs kahirapan

Jervis Manahan, ABS-CBN News

Posted at May 06 2018 11:03 AM | Updated as of May 06 2018 01:45 PM

MANILA - Nasa 1.5 milyong miyembro ng Iglesia ni Cristo (INC) ang nakibahagi sa World Wide Walk to Fight Poverty sa Maynila ngayong Linggo, ayon sa pulisya.

Bitbit ang mga flaglets at nakasuot ng puti, nagtungo ang grupo sa Roxas Boulevard para sa charity walk na isinagawa para makatulong sa mga mahihirap sa Africa.

Mula pa sa iba't ibang lugar ang mga kasapi ng INC na lumahok sa walkathon, kabilang ang mga bata at matanda.

Kuwento ng 64-anyos na si Flora Onio, "Mula [ako] sa Golden Acres sa Las Piñas, once in a lifetime ito kaya masaya akong nakasama ako dito."

"Kasama ko buong pamilya ko, active kami sa simbahan, para ito sa Africa," dagdag ng isa pang INC member na si Ronald Abello.

Ayon sa Manila Police District, kasama sa mga nakisali sa event sina Special Assistant to the President Christopher "Bong" Go, Presidential Communications Secretary Martin Andanar at Senador JV Ejercito.

Nangailangan naman anila ng medical attention ang 20 participant dahil sa pagkahilo at hypertension.

Isasagawa ang World Wide Walk to Fight Poverty sa nasa 300 lugar sa buong mundo.

Ito ang ikalawang beses na ikinasa ang event, na unang idinaos noong 2014 para tulungan ang mga biktima ng Bagyong Yolanda.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.