1 sa kada 3 pamilyang Pinoy, nakaahon sa kahirapan: SWS

ABS-CBN News

Posted at May 06 2018 09:38 PM

Watch more in iWant or iWantTFC

Dumami ang bilang ng mga Pinoy na nagsasabing hindi na sila mahirap, base sa isang survey.

Sa Social Weather Stations (SWS) survey na ginawa nitong Marso 2018, lumalabas na 30 porsyento o isa sa bawat tatlong pamilyang Pilipino ang nagsabing nakaraos sila sa kahirapan.

Isa ang tricycle driver na si Rolly Decara sa nagsasabing naging mas maalwan ang kaniyang buhay ngayon.

Mas malaki ang naiipon niya ngayon sa pamamasada kaysa noong nakaraang taon, kahit mas madalas magtaas ang presyo ng gasolina.

Masipag siyang pumasada dahil dumami rin aniya ang kaniyang pasahero. 

"Nakakapag-save siguro ako ng mga P400, minsan P500," ani Decara.

Ikinatuwa naman ng empleyadong si Albert Janda na mas lumaki ang kaniyang take-home pay dahil sa pagbawas ng kaltas sa kaniyang income tax.

"Ang naapektuhan siguro 'yong mga walang trabaho kasi tumaas ang presyo [ng bilihin], wala naman silang parang naibalik sa kanila," ani Janda.

Ayon sa SWS, gusto lang ipakita ng survey na matapos ang isang taon ay nakaraos na sa hirap ang ilang respondent.

Kahit tumataas na ang presyo ng bilihin matapos ipatupad ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law noong panahon na ginawa ang survey, wala pang 2 percent ang inflation rate. 

"It's been a while since these groups escaped poverty, most probably back when inflation rate was still below 2 percent," saad ng pahayag ni Leo Laroza ng SWS.

Ayon naman sa Malacañang, sinasalamin ng survey ang pagpapaigting ng pamalahaan sa pagbibigay ng serbisyo sa taumbayan gaya ng libreng edukasyon at pagpapagamot.

"We welcome the latest Social Weather Stations (SWS) report. We have broadened access to free education, medicine and healthcare and other basic services. Rest assured that we will contiinue to reduce inequality, expand economic opportunities, and lay down the foundation of a comfortable life for everyone," saad ng pahayag ni presidential spokesperson Harry Roque.

Ginawa ang survey bago pumalo sa mahigit 4 na porsiyento ang inflation o ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo.

-- Ulat ni Apples Jalandoni, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.