MAYNILA — Irerekomenda ni Sen. Ronald "Bato" Dela Rosa na i-regulate ang operasyon ng e-sabong imbes na ipahinto ito dahil sa malaking kita ng gobyerno na nakukuha sa nasabing sugal.
Sabi ni Dela Rosa, ilalabas ngayong linggo ang ulat ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs tungkol sa imbestigasyon sa e-sabong.
"Ang rekomendasyon natin is to regulate properly dahil nga sabi ng ating Pangulo hindi niya pinahinto agad noon dahil sa revenue na nakukuha diyan," aniya sa panayam sa TeleRadyo Huwebes.
"Instead na ipahinto, i-regulate na lang natin properly para lalaki pa 'yung tax, 'yung revenue na makukuha natin sa e-sabong."
Nitong Martes, ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapatigil sa nasabing sugal.
Ayon sa Pangulo, may negatibong social impact ang e-sabong sa mga Pinoy.
Kamakailan, naiulat ang mga nawawalang sabungero, pulis na nangholdap ng gasolinahan, at inang ibinenta ang sariling anak matapos mabaon sa utang — mga problemang nag-ugat sa pagkakalulong sa e-sabong.
Suportado naman ni Dela Rosa ang utos ng Pangulo.
"Happy na rin. At least hindi nagkakamali pala 'yung 24 senador sa kanilang pagsusuporta sa ating panawagan na itigil na 'yung e-sabong," aniya.
Sabi ng senador, nasa 34 na sabungero ang patuloy na nawawala dahil sa e-sabong.
"Masasabi ko nga na close to perfect crime 'yung ginawa nila, 'yung pag-dispose ng katawan ng mga tao na nawawala hanggang ngayon," aniya.