PatrolPH

Media law prof: Mga tutol sa bagong ABS-CBN franchise, hindi nagtagumpay

Davinci Maru, ABS-CBN News

Posted at May 05 2021 01:59 PM | Updated as of May 05 2021 03:22 PM

Media law prof: Mga tutol sa bagong ABS-CBN franchise, hindi nagtagumpay 1
ABS-CBN employees and supporters hold a noise barrage around the ABS-CBN headquarters in Quezon City on July 15, 2020, 5 days after the House Committee on Legislative Franchise denied the network's franchise application. Gigie Cruz, ABS-CBN News/File

MAYNILA - Hindi nagtagumpay ang mga kontra sa pagbibigay ng bagong prangkisa sa ABS-CBN dahil patuloy itong tinatangkilik at sinusuportahan ng mga Pilipino, ayon sa isang media law professor.

Sa panayam sa TeleRadyo nitong Miyerkoles, sinabi ni Atty. Marichu Lambino, professor sa UP College of Mass Communication, na nangunguna pa rin sa pag-uulat ng mga balita ang ABS-CBN.

"Kahit wala kayong prangkisa, makikita mo talaga na hindi sila nagtagumpay sa pagkitil sa buhay ng ABS-CBN dahil hangga't merong mamamahayag sa loob ng ABS-CBN, hindi sila magtatagumpay sa pagpatay sa suporta ng mamamayan sa ABS-CBN at sa layunin nito na maghayag ng katototohan," aniya.

May 5 noong nakaraang tao nang ipatigil ng National Telecommunications Commission ang broadcast operations ng ABS-CBN dahil sa pagkapaso ng dating prangkisa nito. Ito ay sa kabila ng pangako ng ahensya sa mga mambabatas na maglalabas ito ng provisional authority para sa ABS-CBN habang tinatalakay ang bago nitong broadcast franchise application sa Kamara. 

Binanggit rin ni Lambino ang patuloy na pagtanggap ng ABS-CBN ng mga pagkilala at karangalan mula sa iba't ibang organisasyon.

"Kahit nawalan ng prangkisa 'yong ABS-CBN, no'ng bumagyo no'ng Disyembre, kayo po 'yong nanguna. Kahit baha, humahangin o bumabagyo, sila (ABS-CBN reporters) po 'yong nanguna sa pag-uulat ng mga balita," aniya.

"Kahit nawalan kayo ng prangkisa, kayo 'yong nanalo ng mga award sa iba't ibang larangan. Kayo po 'yong pinarangalan bilang pinakamahusay na mamamahayag."

Sinabi ni Lambino na walang nilabag na batas ang ABS-CBN habang nag-o-operate ito sa ilalim ng dati nitong prangkisa.

"Wala naman po talagang nilabag na batas ang ABS-CBN. 'Yon pong nire-raise na citizenship, walang issue doon. Napatunayan na Pilipino ang may-ari ng ABS-CBN. 'Yong sa mga nagsabing hindi nabayaran na utang, sinabi ng BIR (Bureau of Internal Revenue), nagbayad ng tax. Sinabi ng Department of Justice, wala namang nilabag na batas," aniya.

Dagdag ni Lambino, "Kaya makikita po natin na 'yong pagpapasara sa ABS-CBN ay isang move para lang sagtaan 'yong kalayaan sa pamamahayag ng ABS-CBN at takutin 'yong mga mamamayan na magpahayag ng katotohanan, kaya't anumang oras, puwedeng maibalik ito ngunit 'yong mga nasa kapangyarihan ay ayaw po nila."

Ilang beses sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipatatanggal niya sa ere ang ABS-CBN. Noong Hulyo 10, 2020, ibinasura ng Committee on Legislative Franchises sa Kamara ang franchise renewal ng kompanya.

Watch more on iWantTFC

Ang news.abs-cbn.com ay ang opisyal na news website ng ABS-CBN Corp.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.