Higit 40 baboy namatay sa pagtagilid ng pig delivery truck sa Navotas

Jervis Manahan, ABS-CBN News

Posted at May 05 2021 06:46 AM | Updated as of May 05 2021 07:27 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA—Hindi na umabot sa slaughterhouse ang higit 40 baboy matapos tumagilid ang truck na kumakarga sa kanila sa Navotas City, Martes ng gabi.

Ayon sa mga awtoridad, papaliko ang naturang 14-wheeler na truck sa kanto ng C3 at Road 10 nang bigla itong tumagilid.

Dahil dito, nakawala ang marami sa mga baboy. Agad nagtakbuhan ang mga ito, pero hinabol ito ng mga taong nakatambay doon.

Nadaganan naman ang 44 na agad namatay.

Galing pa umano sa General Santos ang mga baboy at dadalhin sana sa slaughterhouse sa Cavite.

Ayon sa driver, aksidente talaga ang nangyari. Maswerte siyang nakaligtas kasama ang mga pahinante niya.

Hinaragangan naman ng plastic barriers ang mga nakaligtas na baboy at saka isinakay sa mga rescue truck.

Pahirapan ang pagsasakay sa kanila dahil nagwawala ang iba.

Ayon sa middleman na sumaklolo, nasa P25,000 ang presyo ng bawat baboy, kaya nasa P1 milyon ang agad nawala sa supplier nito.

Nalinis naman na ang lugar kung saan nakawala ang mga baboy.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.