PatrolPH

ABS-CBN Foundation magdadala ng pagkain sa mga community pantry

ABS-CBN News

Posted at May 05 2021 08:46 PM

Watch more on iWantTFC

Magpapadala ang ABS-CBN Foundation ng tulong sa iba't ibang community pantry sa bansa.

Bigas at iba pang pagkain ang ipapadala ng Sagip Kapamilya ng ABS-CBN Foundation sa mga community pantry para mas marami pang matulungang mga kababayang apektado ng mga lockdown.

"Hindi lamang po dito sa ABS-CBN... kundi sa iba't ibang bahagi ng bansa, so mayroon tayo sa Cebu at iba pang lugar. Katuwang natin ang ibang programa ng foundation," sabi ni Sagip Kapamilya operations manager Earl Bacabac.

Kamakailan, naghatid na rin ng tulong ang Pantawid ng Pag-ibig: Pilipino Para Sa Pilipino sa higit 20 community pantry sa Metro Manila at Rizal province.

Noong Sabado ang huling araw ng community pantry ng ABS-CBN sa headquarters ng istasyon sa Eugenio Lopez Drive, Quezon City.

Marami sa mga taga-Barangay South Triangle ang humabol para makakuha ng ayuda, tulad ng pedicab driver na si Lady Lunoy.

"Sa padyak lang, hindi namin mabili tong mga panganagilangan," kuwento ni Lunoy.

"Kulang pa sa walong anak ko, kaya ako pumila dito, para may pangkain," ani Lunoy.

Kasama rin sa natulungan ng pantry ng ABS-CBN sina Lolita Sanico at Magdalena Balacuit, na noo'y naglalako ng tubig sa mga pumipila sa noontime shows ng Kapamilya network.

Nagbukas ang 2 kalaunan ng tindahan malapit sa Pinoy Big Brother House sa ABS-CBN.

Humina ang kita nina Sanico at Balacuit matapos magpatupad ng lockdown dahil sa COVID-19.

"Maganda 'yan may bigas, kahit ulam na lang ang bibilhin namin," ani Balacuit."Nakakatulong rin sa aming mahihirap talaga."

"Natuwa kami kasi ang daming nagbibigay," ani Sanico.

— Ulat ni Bernadette Sembrano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.