4 umano’y tulak, patay sa magkahiwalay na buy-bust sa Nueva Ecija

Lyza Aquino, ABS-CBN News

Posted at May 05 2021 06:31 AM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA—Patay ang 4 na lalaki na mga itinuturong tulak ng droga sa magkahiwalay na buy-bust operation sa Nueva Ecija noong Lunes.

Ayon kay Police Brig. Gen. Valeriano De Leon, regional director ng PRO-3, napatay ang isang Dominic at Jesus matapos mauwi umano sa shootout ang ikinasang buy-bust operation sa Purok 1, Brgy. Dalampang, Cabanatuan City.

Nakipagtransaksyon ang police poseur buyer para sa P500 halaga ng ilegal na droga pero nang aarestuhin na ang mga target ay nakipagbarilan umano sila sa mga pulis. 

Narekober sa pinangyarihan ng umano'y engkwentro ang isang kalibre .38 na baril, isang kalibre .45 na baril, mga basyo ng bala, at 15 sachet ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P75,000.

Sa San Jose City naman, nasawi ang isang JP at Christian sa buy-bust operation sa Sitio Cumabal, Barangay Caanawan.

Taga bayan ng Paniqui, Tarlac ang 2 lalaki at dumayo sa nasabing lugar para makipagtransaksyon, pero nakipagbarilan umano sila sa mga pulis. 

Narekober umano mula sa mga suspek ang dalawang kalibre .38 na baril, pitong basyo ng bala, at hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P34,000.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.