MAYNILA - Imbes na siya ang hinatiran ng tulong, kusang namahagi ng kaniyang ipon ang isang street dweller sa Mandaluyong sa isang simbahan sa lungsod para sa mga nangangailangan pa ngayong may lockdown sa Metro Manila.
Sa radyo DZMM, ibinahagi ni Fr. Hans Magdurulang ng San Felipe Neri Parish kung paano ito nangyari.
Ayon kay Magdurulang, Abril 21 nang pababa na sila mula sa church service para kumain nang tawagin sila ng guwardiya.
Nakita nina Magdurulang ang lalaki, na may pangalang Francisco Lopez at inakalang hihingi ng ayuda. Pero laking gulat nila nang mamahagi ito ng nakapulupot na pera - na nagkakahalagang P3,000.
"Sabi niya lang po sa akin: 'Father, ibibigay ko lang po' baka kunin po kasi sa akin. Ibinigay ng tao sa akin ng mga dumadaan and gusto ko po ibigay kung saan po magagamit kasi baka kunin lang sa akin," ani Magdurulang.
May bahay umano si Lopez, pero pagkapanaw ng kaniyang ina ay nagsimula siyang lumibot. Kusa umano siyang binibigyan ng pera ng mga dumadaan, ayon kay Magdurulang.
"Nakapantalon siya, t-shirt… Dahil sanay po tayo sa pag-iikot sa kalsada at nagbibigay, so makikita niyo po sa kanya talaga, na dahil matanda na, parang mahina, so ang tendency, iisipin mo na hihingi rin ito," paglalarawan ni Magdurulang.
"Nagulat talaga ako, kami'y napanganga. Nagkatinginan kami, dahil hindi biro yung inaabot niya, 3,000 is 3,000," dagdag niya.
Binigyan umano nina Magdurulang ng pagkain si Lopez, at ng mga ayudang ibinibigay nila sa mga nangangailangan.
Todo-puri si Magdurulang sa ginawa ni Lopez, na kahit nilimusan ay ibinahagi pa sa iba ang natanggap na limos.
"'Yung isang taong mukhang walang-wala at mukhang mahina ang siyang nagpaalala sa atin ng sinabi ni Mother Teresa na, 'It’s not how much you do or give, but how much love you put into what you give and what you do',” ani Magdurulang.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog News, coronavirus, COVID-19, coronavirus Philippines update, COVID, coronavirus disease Philippines, COVID-19 Philippines update, COVID-19 bayanihan