Ilan sa mga inihahandang order na pagkain ay ibinibigay ng Hulya and Maria's sa mga street dweller na walang makain ngayong may lockdown na dala ng coronavirus disease 2109 (COVID-19). ABS-CBN News
Nakakita ng oportunidad ang mga may-ari ng isang restoran sa Sampaloc, Maynila para makatulong at mapakain ang mga kapos-palad na taong-lansangan sa Maynila.
Ilan sa mga inihahandang order na pagkain ay ibinibigay ng Hulya and Maria's sa mga street dweller na walang makain ngayong may lockdown na dala ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Karamihan ng mga order ay para sa mga frontliner, maging ng mga pasyente sa mga ospital. Pero naglalaan din sila ng mga nilulutong pagkain para sa mga kapos-palad, ayon kay Julie Bongayan, may-ari ng Hulya and Maria's.
"Originally ang plan ko po nung mag-start yung lockdown is 'yung mga tao sa kalsada yung bibigyan ko ng pagkain. Kasi sila yung wala sa barangay, walang nasasakupang barangay, sila yung di maabutan ng tulong talaga kasi natutulog sa kalsada sa kariton sa island. Sila yung mga walang nasasakupan na tutulong sa kanila," ani Bongayan.
Tuwing umaga aniya sila nagluluto at nag-aasikaso ng mga online order.
Pagkatapos, namamahagi na sila ng mga pagkain sa mga taong-lansangan. Para kay Bongayan, iba ang pakiramdam na nakakatulong sa iba sa gitna ng krisis sa coronavirus.
"'Yung pag-abot mo sa kanila, inamoy nila 'yung pagkain mo na parang first time nilang makakain ng ganung pagkain. Kasi kung ano po yung sine-serve ko sa customer ko, ganun din yung quality ng pagkain na pinamimigay ko eh," ani Bongayan.
Pakiramdam niyang mas malaki pa ang nakukuha niya kumpara sa pagod at gastos sa pagpapakain sa kapwa.
"Alam mo, pagtulog sa gabi, God is looking at you na kahit papaano, He's thanking you sa ginawa mo," ani Bongayan.
-- Ulat ni Jorge Cariño, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog News, Manila, samaritan, COVID-19 bayanihan, COVID-19, Sampaloc, Manila, Restoran, restaurant, street dweller, Hulya and Maria's, food, food retail samaritan, COVID-19 good samaritan news