READ: ABS-CBN President and CEO Carlo L. Katigbak's message on the cease and desist order issued to ABS-CBN

ABS-CBN News

Posted at May 05 2020 09:38 PM

Watch more on iWantTFC


ABS-CBN PRESIDENT AND CEO CARLO L. KATIGBAK'S MESSAGE ON THE NTC'S CEASE AND DESIST ORDER ISSUED TO ABS-CBN
 
Mga Kapamilya, magandang gabi po sa inyong lahat. 

Ako po ay humaharap sa inyo para sa ating para sa ating ABS-CBN Family.

Sa simula pa lang po ng epidemya ng COVID-19, ang atin pong news team ay araw-araw, oras-oras na nalalagay sa peligro ang buhay para lang mahatid sa atin ang mahahalagang impormasyon at balita para sa kaligtasan nating lahat. Marami po sa inyong mga Kapamilya ay pumasok sa opisina para hindi matigil ang broadcast at serbisyo ng ABS-CBN. 
 
Sa umpisa pa lang ng lockdown at maraming Pilipino ang maaaring magutom dahil mawawalan ng hanapbuhay, inumpisahan po natin agad ang Pantawid ng Pag-Ibig. Sa ating pagtutulungan, nakapaghatid tayo ng pagkain at ayuda sa lampas dalawang milyon nating kapamilya. 
 
Sa lahat po ng nagdaang taon, at sa lahat ng nagdaang kalamidad at trahedya, ganito na po ang lagi nating ginagawa. Ang ating ABS-CBN ay nangunguna sa paglikom ng mga donasyon para makatulong sa pag-ahon ng mga biktima. 
 
Bukod sa serbisyo publiko, ang ating ABS-CBN ay nakapagbibigay din po ng pag-asa at inspirasyon sa pamamagitan ng mga palabas, tulad halimbawa ng inyong paboritong Ang Probinsyano. 
 
Ang makapaglingkod sa inyo ang aming misyon at ang aming kaligayahan. 
 
Ngayon po ay dumating ang araw na kami naman ang dumudulog at nananawagan sa inyo. 
 
Hindi po binigay ng National Telecommunications Commission sa pamumuno ni Commissioner Gamaliel Cordoba, ang lisensya para sa patuloy na paglilingkod ng ABS-CBN. Kaya mawawala na po sa ere ating ABS-CBN. 
 
Ginawa na po namin ang lahat ng requirement ng renewal. At wala rin po kaming nilabag na batas. 
 
Pati po ang Kongreso, na ayon sa batas ay ang may kapangyarihan na mag-utos sa NTC na magbigay ng prangkisa sa TV at radio stations, ay nagsabi po na bigyan na muna ang ABS-CBN ng provisional authority. Marahil, naiintidihan ng ating mga mambabatas na mahalaga ang ating serbisyo lalong-lalo na ngayong panahong ito. 
 
Mga Kapamilya, kung naging mahalaga sa inyo ang ating ABS-CBN, hinihingi po namin na tayo ay patuloy na magtulungan para mapanatili ang serbisyong naidudulot ng ating stasyon. 
 
Alang-alang po sa mahigit labing-isang libong nagtratrabaho sa ABS-CBN at sa kanilang mga pamilya na maaapektuhan ang kabuhayan at maaring mawalan ng trabaho. 
 
Alang-alang po sa milyun-milyong Pilipinong kailangan ang serbisyo ng ABS-CBN, lalo na sa ngayong panahon ng pinakamatinding krisis sa Pilipinas at sa buong mundo. 
 
Lalo na ngayon sa pinakamalalang panahon ng sakit at gutom… 
 
Ipadama, isaad, at ipadinig po natin ang ating nararamdaman sa pagsasara ng ating ABS-CBN. 
 
Sa oras na ito, kami naman po ang humihingi ng inyong pagdamay. 
 
Maraming salamat po mga Kapamilya.