PatrolPH

P30,000 pabuya alok sa makakapagturo sa mga opisyal na nangungulimbat ng cash aid

ABS-CBN News

Posted at May 05 2020 12:46 PM

MAYNILA - Nag-alok ng P30,000 pabuya si Pangulong Rodrigo Duterte sa sino mang magre-report at makakapagpatunay sa mga lokal na opisyal na nangungurakot ng pondo mula sa ayudang nakalaan para sa mahihirap. 

Ito ay matapos makarating sa kaniya ang umano'y pagnanakaw ng kagawad sa Bulacan ng pera mula sa social amelioration program. (SAP) 

"'Pag napatunayan po 'yong inyong reklamo sa korapsyon laban sa mga lokal na opisyales na kinukurakot 'yong mga ayuda na pinamimigay ng gobyerno, P30,000 ang pabuya na ibibigay ng ating presidente sa inyo," ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque. 

Samantala, iginiit ni Duterte na sa mga misis lang dapat ibinibigay ang pinansiyal na ayuda mula sa pantawid ng pamilyang Pilipino program dahil ipinambibisyo lang umano ng mga mister ang ayuda. 

Sinabi na rin ng Department of the Interior and Local Government na maaari nang arestuhin at imbestigahan ng Philippine National Police ang mga reklamo sa mga barangay at local officals na namamahagi ng cash aid. 

Naglabas na ang DILG ng direktibang nag-uutos sa mga pulis na agad imbestigahan ang mga local official na inirereklamo ng anomalya at katiwalian sa cash aid, ayun kay DILG Undersecretary Jonathan Malaya. 

Kagaya ito aniya ng inarestong kagawad sa Hagonoy, Bulacan na si Danilo Reyes na nag-viral ang video kung saan hinahati umano nito ang ipinamimigay na P6500 na cash aid -- P3,000 para sa nakatanggap at P3,500 para umano kay mayor. 

Inatasan na rin aniya ang NBI na imbestigahan ito. 

Nakakulong na ngayon si Flores sa Hagonoy Police Station. 

Hinikayat din ni Malaya ang publikong magsumbong laban sa mga tiwaling barangay at lokal na opisyal. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.