Operasyon ng swabbing center sa Maynila magsisimula sa Miyerkoles

ABS-CBN News

Posted at May 05 2020 05:27 PM | Updated as of May 06 2020 01:00 AM

Magsisimula na sa Miyerkoles ang operasyon ng isa sa apat na mega swabbing center, kung saan ite-test para sa coronavirus disease (COVID-19) ang mga umuuwing overseas Filipino worker at iyong mga hinihinalang nahawahan ng sakit.

Simula Miyerkoles, magagamit na para sa COVID-19 testing ang Palacio de Maynila sa may Roxas Boulevard, na may 65 test booths at kayang mag-swab ng nasa 1,000 tao kada araw.

"This will really help us ramp up our testing capacity," ani Health Secretary Francisco Duque III na ininspeksiyon ang pasilidad ngayong Martes.

Prayoridad na kuhanan ng swab para sa COVID-19 ang nasa higit 24,000 repatriated OFWs pero bukas din ang pasilidad sa mga probable COVID-19 case at frontliners.

Pangungunahan ng Philippine Coast Guard at Bureau of Fire Protection ang operasyon ng mega swabbing center sa Maynila.

Ang mga makokolektang sample ay dadalhin sa laboratoryo ng Philippine Red Cross sa Pasay City.

Kapag nagnegatibo, pauuwiin na ang OFW para sa bahay na lang ituloy ang natitira sa 14 na araw na quarantine.

Tatlo pang mega swabbing center sa Taguig, Pasay, at Bulacan ang inaasahang makukumpleto sa mga susunod na araw.

Kapag operational na rin ang 3 pang center, inaasahang aabot sa 5,000 tao kada araw ang magiging kabuuang swabbing capacity.

Kasabay ng pagpapalakas ng swabbing capacity, target din ng gobyerno na dagdagan ng higit 50 ngayong Mayo ang kasalukuyang 22 accredited COVID-19 testing laboratories sa bansa.

Layon nitong paakyatin sa 30,000 kada araw ang testing capacity ng bansa, na sa ngayo'y nasa higit 5,000.

-- Ulat ni Vivienne Gulla, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.