PatrolPH

NTC ipinatitigil ang operasyon ng ABS-CBN

ABS-CBN News

Posted at May 05 2020 05:02 PM | Updated as of May 05 2020 09:34 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA (UPDATE) — Naglabas ng cease and desist order ang National Telecommunications Commission (NTC) nitong Martes laban sa ABS-CBN na iniuutos ang pagtigil ng operasyon ng kompanya matapos mapaso ang prangkisa nito noong Lunes, Mayo 4.

Sa direktiba, inutusan ng NTC ang network na itigil ang kanilang mga TV at radio operation habang wala pa itong karampatang prangkisa.

Binigyan ng NTC ang ABS-CBN nang 10 araw mula sa pagtanggap nito ng kautusan para ipaliwanag kung bakit hindi dapat bawiin ang nakatalagang frequency ng network.

"In an Order dated 05 May 2020, the NTC directed ABS-CBN to stop operating its various TV and radio broadcasting stations nationwide 'absent a valid Congressional Franchise as required by law.' ABS-CBN was also given ten days from receipt of the Order to respond as to why the frequencies assigned to it should not be recalled," sabi sa pahayag ng NTC.

Magtatakda umano ang NTC ng pagdinig ukol sa isyu kapag natapos ang enhanced community quarantine dahil sa COVID-19 pandemic.

Noong Linggo nauna nang nagbabala si Solicitor General Jose Calida laban sa pag-iisyu ng provisional authority sa ABS-CBN dahil Kongreso lang daw ang may kapangyarihan na magbigay ng prangkisa.

Ito ay kahit pa sinabi ng Kamara at Kongreso na dapat bigyan ng NTC ang ABS-CBN ng provisional authority habang hindi pa natatalakay ang nakabinbing franchise extension bills para sa ABS-CBN.

Watch more on iWantTFC

NTC IPAPA-CONTEMPT

Sa Kamara, nagbanta naman si House legislative franchises committee chairman Rep. Franz Alvarez na iko-contempt ang NTC kapag hindi ito nagbigay ng provisional authority sa ABS-CBN.

Ayon kay Alvarez at iba pang kongresista, pagpapaliwanagin nila ang NTC sa ginawa dahil pinanghahawakan ng Kamara ang binitawang salita ng NTC sa komite noong Marso 10 na bibigyan nito ng provisional authority ang network para manatili sa ere pagka-expire ng prangkisa.

Maliwanag daw kasi na may sulat ang Kamara at resolusyon ang Senado para matiyak na manatili sa ere ang ABS-CBN lampas ng pagpaso ng prangkisa nito.

Bago lumabas ang cease and desist order, sinabihan ni Alvarez ang NTC na posible silang ma-contempt kapag nagpadala sa banta ni Calida na kakasuha sila kapag nagbigay ng provisional authority sa ABS-CBN.

Agad daw maghi-hearing ang komite dahil sa nangyari.

Nanindigan din si Alvarez na hindi dapat mawala sa ere ang ABS-CBN habang hindi pa tapos ang Kongreso.

Ayon naman kay Agusan del Norte Rep. Lawrence Fortun, dapat mag-question hour sa Kongreso at isalang ang NTC matapos nitong bastusin ang Kongreso.

Ayon kay Bayan Muna Rep. Carlos Zarate, isang pag-atake sa independence ng NTC ang paglabas nito ng cease and desist order dahil maliwanag na nagpadala ito sa pagbabanta ni Calida.

Banat din daw ito sa freedom of the press.

Pinababawi naman ni AKO Bicol Rep. Alfredo Garbin ang utos dahil nga dati nang napagbigyang manatili sa ere ang mga kompanyang dinidinig pa ang prangkisa kaya hindi dapat tratuhin na iba ang ABS-CBN.

Kinuwestiyon rin ng mga mambabatas at iba-ibang sektor ang naging hakbang ni Calida, lalo pa't malaki ang ambag ng kompanya ngayong may pandemic. Isa rin umano itong pag-atake sa press freedom, anila.

Hindi bababa sa 11 bills ang nakatengga sa Kamara para sa pagpapalawig ng prangkisa ng ABS-CBN.

Ang ABS-CBN Corp ang pinakamalaking media at entertainment network sa Pilipinas.

Ang news.abs-cbn.com ay ang opisyal na news website ng ABS-CBN Corp.

-- May ulat ni RG Cruz, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.