PatrolPH

Ilang barangay sa Iligan, nawalan ng tubig sa gitna ng COVID-19 crisis

Roxanne Arevalo, ABS-CBN News

Posted at May 05 2020 03:35 PM

Ilang barangay sa Iligan, nawalan ng tubig sa gitna ng COVID-19 crisis 1
Inaayos ng isang manggagawa ang isang pipeline na sumabog, dahilan para mawalan ng tubig ang ilang barangay sa Iligan City. Larawan mula sa Information Office ng pamahalaang lungsod

ILIGAN CITY - Tatlong araw nang walang tubig ngayong Martes ang ilang barangay sa lungsod na ito matapos sumabog ang isang mainline pipe sa gitna ng kampanya ng mga awtoridad na palaging maghugas ng kamay upang mapigilan ang pagkalat ng COVID-19. 

Nawalan ng tubig simula noong Linggo ang 9 na barangay matapos sumabog ang 24-pulgadang tubo sa Barangay Suarez na bahagi ng water rehabilitation project ng pamahalaan, ayon kay Engr. Josephus Albao ng Iligan City Waterworks System. 

Kadalasan aniyang sumasabog ang mga pipe kung hindi maayos ang pagkakadugtong ng mga ito, lalo na kung malakas ang pressure ng tubig. 

Sinisikap aniya ng mga awtoridad na ibalik sa Miyerkoles ang suplay ng tubig sa mga barangay ng Tubod, Tipanoy, Mahayahay, Ubaldo Laya, Villaverde, Palao, San Miguel, Santo Rosario hanggang Dalipuga. 

Bukod sa water rationing, pansamantalang niluwagan ng mga awtoridad ang scheduled na paglabas ng mga residente para makahanap sila ng mapagkukuhanan ng tubig, ani City Information Officer Jose Pantoja. 

Pinapaalalahanan naman aniya ang mga residenteng lumalabas na magsuot ng face mask at maglaan ng hindi bababa sa 2-metrong pagitan para pigilan ang pagkalat ng COVID-19. 

Nawalan ng tubig ang bahagi ng Iligan City sa gitna ng bilin ng health department ng ugaliing maghugas ng kamay para maiwasang ang naturang respiratory disease. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.