Bayad sa kuryente, tubig habang may kalamidad, dapat gawing 'three-gives': Tolentino

Katrina Domingo, ABS-CBN News

Posted at May 05 2020 11:22 AM

Bayad sa kuryente, tubig habang may kalamidad, dapat gawing 'three-gives': Tolentino 1
FILE PHOTO: A woman and her 8-month-old daughter wait for workers to finish installing rows of water meters in Barangay Cembo, Makati City, Sept. 25, 2019. Jonathan Cellona, ABS-CBN News/File

MANILA - Isinusulong ni Sen. Francis Tolentino ang isang panukala na dapat gawing "three-gives" o hatiin sa tatlong bayad ang singil sa kuryente, tubig at telepono tuwing panahon ng kalamidad.

Sa ilalim ng Senate Bill No. 1473 or "Three-Gives Law," hindi maaaring putulan ng kuryente, tubig o linya ng telepono ang mga hindi makakabayad sa mga serbisyong ito sa panahon ng kalamidad.

"Malaki ang maitutulong nito sa mga kababayan natin na lubhang naapektuhan ng COVID-19, lalo na iyong mga nawalan ng hanapbuhay at pagkakakitaan," sabi ni Tolentino sa isang pahayag.

Ang kabuuang utang ng isang subscriber sa kumpaniya ng tubig, kuryente o telepono ay maaating hatiin sa tatlong bayad, aniya. Hindi rin maaaring patungan ng interes ang utang, aniya.

Kung maging batas ang panukala, pagmumultahin ng hindi hihigit sa P1 milyon ang mga kumpaniyang lalabag dito.

Bago maiakda ni Tolentino ang batas ay nauna nang ipinagutos ng pamahalaan ang pagsususpindi ng bayad sa kuryente, tubig at telepono matapos isagawa ang pansamantang pagpapatigil ng ilang trabaho sa Luzon upan maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.