PatrolPH

Barangay sa Mandaluyong, isasailalim sa 1 linggong 'total lockdown'

Lady Vicencio, ABS-CBN News

Posted at May 05 2020 04:57 AM | Updated as of May 05 2020 07:56 AM

Watch more on iWantTFC

(UPDATE) Isasailalim sa isang linggong total lockdown ang Barangay Addition Hills sa Mandaluyong City dahil sa mataas na bilang ng kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa lugar.

Mahigpit na ipagbabawal sa mga residente ng naturang barangay ang paglabas sa kanilang bahay mula Mayo 7 hanggang Mayo 13.

Kinumpirma ito ni Mandaluyong City Mayor Menchie Abalos matapos pumalo sa 57 ang bilang ng kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa naturang barangay.

“Noong makita namin kagabi na kami ang pinakamataas, sa barangay, Addition Hills ang pinakamarami. Sa kapal ng tao, sa density ng tao, hindi mo ma-control ng mabuti,” aniya.

Watch more on iWantTFC

"Kung 'di ko to gagawing isang linggo, hindi katulad sa ibang lugar na medyo 48 hours lang, kaunti lang 'yong araw kasi alam naman natin na ang incubation ng COVID is 14 days. Pinagawa ko na lamang 1 week para lamang talaga para ma-saturate ko buong Addition Hills talaga na mass testing," paliwanag ni Abalos sa panayam sa Umagang Kay Ganda.
 
Sa isang linggong lockdown, magsasagawa ng random rapid testing sa mga residente ng barangay para matukoy ang mga posibleng may COVID-19.

Tinatayang 2 porsiyento ng 160,000 kabuuang populasyon ng barangay ang target na isailalim sa mass testing, ayon kay Abalos at kung kakayanin ay aabot sa 3 porsiyento.

"Kaya kailangan 1 week, kasi hindi namin kayang tapusin 'yan ng ilang araw lamang," aniya.

Inihahanda na ang isang paaralan sa lungsod bilang quarantine facility para sa 150 na tao.

“Hindi na kasi kami pwede sa World Trade [Center]. Puno na rin sa Ninoy Aquino so wala na akong mapaglagyan ng mga COVID positive,” ani Abalos.

Ipapatupad ng Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines ang total lockdown sa barangay.

Ayon sa alkalde, maximum tolerance ang paiiralin lalo’t wala silang pasilidad para sa mga mahuhuling lalabag.

“Kapag may makukulit talaga, hangga’t kayang pauwiin, pauwiin except kung talagang pasaway,” aniya.

Sa kasagsagan ng total lockdown, isasara rin ang commercial establishments, maging ang dalawang palengke na sakop ng barangay.

Bago magsimula ang total lockdown sa Huwebes, abala na sa pamamahagi ang lokal na pamahalaan ng relief goods sa nasa 35,000 pamilya sa barangay bilang supply sa isang linggong lockdown.

Ayon kay Abalos, simula Lunes ng gabi hanggang sa Miyerkoles ay mamimigay siya ng pagkain sa lugar na tatagal sa isang linggong hard lockdown.

Papayagan din ang mga nagtatrabaho partikular na sa mga frontliners na lumabas basta magpakita lamang ng ID sa mga opisyal, dagdag ng alkalde.

 

Dagdag pa ni Abalos, tinitignan din nilang isailalim ang Barangay Mauaway sa total lockdown.

Sa huling tala ng public information office, may pantay na bilang ito ng 57 kaso ng COVID-19 katulad sa Barangay Addition Hills.

Narito rin ang National Center for Mental Health na may 18 kaso na rin ng sakit, ayon sa kasalukuyang tala.

--May ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.