ALAMIN: Mga bagong patakarang ilalatag kapag balik-operasyon na ang mga tren

ABS-CBN News

Posted at May 05 2020 03:43 PM | Updated as of May 07 2020 08:48 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Magpapatupad ng physical distancing at iba pang mga hakbang kontra coronavirus disease (COVID-19) ang pamunuan ng mga tren sa Metro Manila kapag pinayagan na silang bumiyahe muli.

Sa pagpunta ng ABS-CBN News ngayong Martes sa North Avenue Station ng MRT-3, makikitang tadtad ang itasyon ng mga paalala at marking para magpanatili ng distansiya ang mga tao.

Ayon kay MRT-3 Director Mike Capati, kapag pinayagang bumiyahe muli ang tren ay 153 pasahero lang ang maisasakay ng kada train set mula sa dating 1,200.

Bawal na rin muna umano ang nakatayong pasahero sa MRT-3, na binabaybay ang EDSA mula Quezon City hanggang Pasay City.

"Very limited lang ang maaari naming isakay sa loob ng tren. Humihingi kami ng pasensiya sa taumbayan kaya lang wala po tayong magagawa kundi po proteksyunan (sila)," ani Capati.

Umapela rin ang MRT-3 sa mga pribadong kompanya na mag-adjust ng schedule ng trabaho para hindi magsabay-sabay ang mga pasahero sa umaga.

Halos parehong sistema rin ang ipatutupad ng LRT-2, na may biyahe mula Recto sa Maynila hanggang Santolan sa may Marikina.

Ayon kay Hernando Cabrera, tagapagsalita ng Light Rail Transit Authority, 160 lang ang pasaherong makakasakay sa kada train set ng LRT-2.

"Sakripisyo on our part, kasi with this kind of operation, definitely tatamaan din ang ating revenue," ani Cabrera.

"Kailangan natin i-implement ito, otherwise, magkakasakit naman tayo lahat. Ngayon pa lang humihingi na kami ng paumanhin," dagdag niya.

Sa LRT-2, bago pa lang pumasok ng train station, kailangang dumaan muna sa disinfecting area.

May markings din mula sa hagdan hanggang sa platform ng tren.

Naghahanda na rin ang LRT-1, na tumatakbo mula Roosevelt sa Quezon City hanggang Baclaran sa Parañaque.

"For our passengers po, we are asking for your cooperation," ani Jacqueline Gorospe, head of corporate communications ng Light Rail Manila Corporation.

"Kailangan din po namin ang tulong ninyo para ma-implement ito nang mabuti," aniya.

Puno rin ng marka para sa social distancing ang Philippine National Railways (PNR).

Pagpasok ng mga tren ng PNR, may mga marka nang makikita na kalaunan ay papalitan umano ng pamunuan ng stickers. Doon lang maaari umanong pumuwesto ang mga pasahero.

Sa mga upuan naman, kaharap ang kapuwa pasahero at hindi puwedeng puwestuhan ang mga katabing upuan.

Ayon kay PNR Assistant General Manager Ces Lauta, handa na silang pumasada para may masakyan ang ilang frontliner.

Sa Miyerkoles umano magsisimula ang biyahe ng PNR Bicol commuter train sa Naga at Sipocot, Camarines Sur.

Kapag bumiyahe na ang mga railway, may mga pasaherong hindi papayagang makasakay tulad ng may temperatura na 37.8 degrees Celsius pataas, nagpapakita ng sintomas ng COVID-19, at mga hindi nakasuot ng face mask.

Kasama na rin sa mga hindi pasasakayin ang mga senior citizens, mga pasaherong edad 20 anyos pababa, at mga buntis, alinsunod sa guidelines ng Department of Health.

-- Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.