PatrolPH

ABS-CBN hihinto sa pag-ere alinsunod sa kautusan ng NTC

ABS-CBN News

Posted at May 05 2020 07:20 PM | Updated as of May 08 2020 04:11 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA — Tatalima ang ABS-CBN sa direktiba ng National Telecommunications Commission (NTC) nitong Martes na nag-uutos sa pagtigil ng broadcast operations ng network.

Sa isang pahayag, sinabi ng ABS-CBN na susundin nila ang cease and desist order na inilabas ng NTC nitong Martes.

"Ihihinto ng ABS-CBN, DZMM, MOR, at lahat ng TV at radio stations nito sa buong bansa ang pagbo-broadcast ngayong gabi alinsunod sa kautusang pagpapatigil ng operasyon mula sa NTC," sabi ng kompanya sa isang pahayag.

"Kinakailangan lang po ng istasyon ng sapat na panahon upang maisaayos ang pag-shutdown sa mga kagamitan nito at inaabisuhan ang aming mga tagapanood at tagapakinig," dagdag nito.

Sari-saring grupo ang kumondena sa naging desisyon ng NTC, lalo pa't milyon ang umaasa sa ABS-CBN—ang pinakamalaking media at entertainment company sa bansa—lalo't ngayong may COVID-19 pandemic.

Napaso ang prangkisa ng ABS-CBN noong Lunes, at nakabinbin pa sa Kamara ang mga bill para sa pagpapalawig nito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.