5 anyos nabaril umano ng 6-taong gulang na pinsan

ABS-CBN News

Posted at May 05 2019 01:09 PM | Updated as of May 05 2019 02:16 PM

Patay ang isang 5 anyos na babae sa bayan ng Camalig, Albay nang aksidenteng mabaril ng 6 anyos na pinsan sa kanang bahagi ng kaniyang dibdib noong Sabado. 

Ayon kay Police Master Sgt. Armando Revale, spokesperson ng Camalig Municipal Police, nakalabit ng 6 anyos na bata ang baril na pagmamay-ari ng kaniyang ama na sundalo sa Philippine Army. 

Bago mangyari ang insidente, inutusan umano ang kaanak ng mga bata na alisin ang bala ng baril bago ito itago sa mas ligtas na lalagyan. 

Naiwan umano sa mesa ng kanilang bahay ang baril bago ito makuha ng 6 anyos at aksidenteng mabaril ang 5 anyos sa dibdib. 

Batay sa imbestigasyon ng pulis, posibleng hindi marunong mag-unload ng bala ang kaanak kaya biglang pumutok ang baril nang kalabitin ito. 

Sinubukan pang dalhin ang biktima sa ospital ngunit dead-on-arrival na ito.

Maaaring makasuhan ang sundalo na nagmamay-ari ng baril, ang asawa nito at ang kaanak na naaatasang mag-unload ng baril dahil sa kapabayaan. 

Dahil dito ipinapayo ng PNP na maging responsable sa pagtatago ng mga baril para maiwasang maulit ang naturang insidente. 

-- Ulat ni Karen Cannon, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.