SOCO: Entertainer natagpuang duguan at tadtad ng saksak sa apartment

ABS-CBN News

Posted at May 05 2018 03:52 PM

 



 
Mataas ang pangarap ng 27-taong gulang na si Eunice Espinosa, pero ito’y naglaho nang inabandona siya at apat niyang kapatid ng kanilang ina.
 
“Umalis si mama. Pumunta siya ng Iloilo, kasama niya 'yung bago niyang pamilya,” kuwento ng kapatid ni Eunice na si alyas “Ara.”
 
Samu’t saring trabaho ang pinasok ni Eunice para matustusan ang pangangailangan ng pamilya.
 
“Naging mahirap para sa amin ang pag-alis ni mama. Nag-stop siya pumasok [nung] third year high school. Pumasok siya as saleslady sa isang department store sa Navotas,” dagdag ni Ara.
 
Nagbago ang kapalaran ni Eunice nang tanggapin nito ang alok na maging entertainer sa isang bar sa Malate, Maynila.
 
“Mas gumanda 'yung opportunity para sa kaniya... Mas gumanda 'yung income niya. Mas gumanda 'yung buhay namin. Mas natustusan niya kami nang mas maayos,” pag-alala ng kapatid.
 
Dahil gabi ang trabaho, kinuha ni Eunice na regular na tagapaghatid ang tricycle driver at barangay kagawad na si Ronwald Ferreras.
 
“Palabati, laging nakangiti. Hindi siya supladang tao. Hindi mo siya makikitaan na mataray siya,” sabi ni Ferreras.
 
Pero noong madaling araw ng Marso 28, 2017, hindi na raw naihatid ni Ferreras ang dalaga.
 
“Nung time na ‘yun, 'yung isang kagawad namin sumisigaw. That time, nakita ko na siya na gano’n. Nakahiga na siya, maraming dugo.”
 
Nagtamo ng 27 na saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan si Eunice.
 
“Napansin namin, mayroong kitchen knife doon sa lababo malapit do’n sa pinaghihigaan ng victim natin,” ayon kay PO3 Roderick Magpale ng Manila Police District.
 
“Ang pinaka-fatal ay 'yung tama sa may dibdib at dito sa may leeg. Actually, malalalim din lahat 'yung tama. Isa lang masasabi ko diyan. Walang balak buhayin 'yung victim natin. 'Yung suspect na gumawa sa kaniya nito, wala siyang balak buhayin.”
 
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, lumalabas na pagnanakaw ang motibo sa krimen. 
 
“Kung makikita mo 'yung victim, may hitsura siya. Maputi, maliit ang mukha...Baka may gusto nga 'yung suspect kay Eunice,” paghihinala ni Magpale. 
 
Sino ang salarin sa krimen na ito? Kilalanin ang suspek sa unang kuwentong krimen na tampok sa “Takas sa Batas” ng “SOCO: Scene of the Crime Operatives” ngayong Sabado, 5:30 p.m. sa ABS-CBN.

-- Ulat ni Toph Doncillo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.